Nang tamaan ng COVID ang aking pamilya (Part 2): Gabay sa pagharap sa mental stress
MANILA, Philippines — Ang aming karanasan sa COVID-19 ay maaaring hindi naiiba sa mga pamilya na nagkaroon din ng COVID. Magkagayunman, ang pagdaanan ito ay talagang napakahirap para kaninuman at babaguhin talaga nito ang iyong buhay.
Sa aming pamilya, pumanaw ang aking bayaw na si Kuya Kenn dahil sa COVID, habang ang asawa ko na si Nonong ay na-confine sa ospital dahil sa malalang COVID, at ang aming buong pamilya, kasama ako at ang aming mga yaya ay nahawa rin sa virus.
Bagama’t nagdadalamhati ang aming pamilya sa pagkawala ni Kuya Kenn, malaking biyaya pa rin na nalampasan ni Nonong and COVID at na maayos na ang kalagayan naming lahat. Maliban sa mga gamot, ang lubos na nagpagaling din sa amin ay ang walang hanggang suporta at panalangin ng mga kaanak at kaibigan na walang sawa ang dasal at pagdalo sa aming araw-araw na online healing mass at nobena. Para sa mga gustong malaman ang mga detalye ng aming COVID journey, i-click lamang ang link na ito ng aking column.
Sa aming Pamilya Talk episode, inimbitahan ko ang aking mga anak na sina Fiona at Fiana, at ang aking asawang si Nonong para pagkuwentuhan ang aming pinagdaanan. Kinapanayam ko rin ang napakagaling na Child Psychologist na si Dr. Rhea Lopa- Ramos para makahingi ng gabay ng mga tamang paraan ng pag-proseso ng aming hinarap na pagsubok, lalung-lalo na para hindi ito magbigay ng trauma sa aming mga anak.
Pagiging tapat kung ano ang totoong sitwasyon
Iba't ibang antas ang napakalaking stress na haharapin mo kapag tinamaan ka o ang iyong pamilya ng COVID. Sa aming kaso, nagluluksa pa kami sa pagkawala ng isang mahal sa buhay, pero nagka-COVID din ang aking buong pamilya, at kinailangan pa ngang ma-ospital ni Nonong. Kaya todo-alalay kami sa paglalahad ng mga detalyeng ito sa aming mga anak. Nag-alala kaming baka dahil sa pagkamatay ni Kuya Kenn, isipin din nilang ganoon ang aming kahihinatnan. Kaya napakaingat at may timing ang pagbibigay namin ng mga impormasyong ito sa kanila para hindi sila mag-alala.
“Ang mahalaga ay naibigay mo sa kanila ang katotohanan at tapat ka sa kanila,” payo ni Dra. Rhea pagdating sa pakikipag-usap sa mga anak tungkol sa sitwasyon ng pamilya. Inirerekomenda rin niyang huwag silang buhusan agad ng mga impormasyon at ibagay ang paraan ng paglalahad ng mga ito sa personalidad at ugali ng anak.
Kapanatagan na ikaw ay may karamay
"The mere fact na alam kong andyan ka, na kaya kita kausapin, napakalaking relief noon," sabi ni Nonong. Ibinahagi niyang ang kanyang lakas at peace of mind ay dahilan sa panatag siyang kasama niya ako sa ospital para mag-alaga sa kanya. Batay sa protocol, bawal ang mga kaanak na mag-alaga sa kanilang mga naospital na kapamilyang may COVID dahil baka mahawa sila. Kaya malaking biyayang pinayagan ako ng ospital dahil may COVID na rin naman ako.
Napakahalaga raw para kay Nonong na mayroon siyang makakatabi sa panahong iyon kung kailan nakararanas siya ng hirap sa aspetong pisikal, mental, at emosyonal. Importante rin naman para sa akin na araw-araw ay ako mismo ang nakakakita sa kanyang kondisyon at ako mismo ang nakakausap ng mga doktor.
Malaking bagay din na nakakadalo siya araw-araw sa online healing masses para sa kanya at sa aming pamilya. Nakakapagpalakas sa kanya na malamang maraming tao ang nananalangin para sa kanya, at na may prayer warriors na lumalaban kasama niya. Napakalaking tulong para sa mental stability ang maramdamang hindi ka nag-iisa, kahit ano pa ang mangyari.
"Sa anumang karamdaman, ang isip ay may epekto sa ating pisikal na kalagayan," ayon kay Dra. Rhea. Ang COVID ay isang napakalungkot na sakit dahil pisikal na inilalayo ka nito sa mga mahal mo sa buhay. Kaya napakahalaga ng tuluy-tuloy na komunikasyon, kahit isang mabilis na "Hello" lang para manatiling positibo ang mga taong nangangailangan nito.
“May sense of guilt sa simula, kasi sa akin nanggaling (yung COVID). Roller coaster ng mga emosyon. I’m the breadwinner, kailangan naman natin magtrabaho; nasa public service tayo. I wasn’t so much worried about myself, yung kalagayan ng mga anak ko, ng pamilya ko, and everybody else was added pressure sa akin. Kasi hindi naman makukuha ng pamilya yan kung hindi dahil sa akin,” sabi ni Nonong.
Ipinaalala rin ni Dra. Rhea na mahalagang tiyakin kay Nonong -- o kung sinuman ang unang tinamaan ng virus sa inyong tahanan -- na hindi nila ito kasalanan. Walang dapat sisihin, lalo pa’t alam mong nagsagawa sila ng karagdagang pag-iingat upang hindi makuha o maikalat ang virus. Mahalagang paalalahanan ang iyong mga mahal sa buhay na nagkasakit na hindi sila dapat makonsensya dito. May mga pangyayari lang, gaya sa kaso ni Nonong, na hindi talaga maiwasang makapitan ng sakit.
Magpabakuna at sundin ang safety protocols
Kahit gaano pa tayo kaingat, ang isang bagay na dapat nating isaalang-alang ay napaka-unpredictable ng COVID. Kung minsan, kahit pa napakalusog at napaka-ingat ng isang tao, maaari pa rin silang mahawa. Gayunpaman, kailangan pa rin nating laging sundin ang health protocols tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng mask nang maayos.
At siyempre, magpabakuna! Sabi pa nga ng mga doktor ni Nonong, kung hindi siya bakunado, may posibilidad na hindi niya nalampasan ang COVID dahil kukulangin ang panlaban sa virus ng kanyang katawan.
Maging sensitibo sa iyong mga kapamilya
Nabanggit ni Dra. Rhea sa panayam na hindi lahat ay nagsasabi agad ng kanilang nararamdaman. Minsan, sa halip na sabihin sa pamamagitan ng salita, idinadaan ito ng ating mga kapamilya sa kanilang kilos. Kaya kailangan nating maging sensitibo sa kanila.
Sa panayam, tinanong ko ang aking mga anak na sina Fiona at Fiana kung ano ang naramdaman nila nang malaman nilang mayroon silang COVID, na ang kanilang tiyuhin ay namatay mula rito, at na ang kanilang ama ay kailangang ipasok sa ospital.
“Nahirapan akong magfocus sa subjects namin,” pag-amin ni Fiona. Binanggit din niya na hindi niya inaasahan ang pagpanaw ng kanyang tiyuhin. “I was just trying to think positive that dad’s COVID won’t turn out the same way as what happened to Ninong Kenn,” dagdag ni Fiona patungkol sa kondisyon ng kanyang ama sa ospital. Sinabi naman ni Fiana na pareho lang sila ng naramdaman ng kapatid at idinagdag pa niyang labis siyang naging emosyonal nang malaman na namatay na ang kanyang tiyuhin.
Mahalaga ring bigyan ang iyong mga mahal sa buhay ng panahon upang maproseso ang kanyang pinagdaraanan at nararamdaman. Hayaan natin silang magdalamhati, ngunit siguraduhin nating alam nilang hindi sila nag-iisa.
"Kapag tahimik ang anak mo, respetuhin mo lang yan. We all have a drive to understand our emotions, but we have different ways of doing that. Sometimes we need to let them be and let them feel their emotions. But we also should let them know that you're there to help them," sabi pa ni Dra. Rhea.
Manalig at magtiwala sa Diyos
Ang pagkakaroon ng isang mahusay na support system sa loob ng tahanan, pamilya, at mga kaibigan ay mahalaga, lalo na ang pagkakaroon ng matibay na pananalig sa Diyos. Nakapagpapanatag ang mga panalangin. Ang ating pananampalataya ang tutulong sa ating makayanan ang mga pagsubok at ito.
Bilang mga COVID survivor, mas nauunawaan namin ngayon ang kalagayan ng mga taong nahihirapan at humaharap sa parehong problemang aming hinarap. Dahil dito, mas nagiging epektibo ako sa aking tungkulin sa paghahatid ng impormasyon, inspirasyon at pag-asa, at ang mensaheng malalampasan nating lahat ito. Higit sa lahat, ang pagpapaalala kung gaano kahalaga ang pagpapasalamat para sa kabutihang-loob ng Diyos, mga kaanak at mga kaibigan, pati na ang pangakong maibalik ang kanilang kabutihang loob sa paraang kaya mo.
Ang isang importanteng bagay na natutunan ko sa karanasang ito ay ang katotohanang talagang walang kasiguruhan ang buhay. Kaya mamuhay tayo sa pinakamabuti at pinakamagandang paraan na magagawa natin. Nakakatakot ang mga pinagdaanan namin, pero tulad ng sinabi ng asawa ko, hindi kami dapat mabuhay sa takot. Gaya rin ng nabanggit ni Dra. Rhea, mayroong tinatawag na Post Traumatic Growth kung saan sa ating pagbangon mula sa mga pagsubok at kahirapan, sa halip na trauma, ang ating bitbit ay ang pagiging positibo sa buhay, ang pagpapahalaga sa pamilya’t mga kaibigan at ang pagpapasalamat sa lahat ng mga biyayang ito.
###
------
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00pm Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter, and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest