Ang kasipagan ni General Torre
TINITINGALA ngayon sa Philippine National Police (PNP) si BGen. Nicolas Torre III, ang bagong Director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Mula nang manungkulan si Torre sa CIDG, walang patid ang magagandang accomplishment niya. Sinuklian ang kasipagan ni Torre matapos niyang arestuhin si Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City noong nakaraang Setyembre 8. Ang pagsalakay nina Torre sa compound ng KOJC ay bunsod ng warrant of arrest na ipinalabas ng dalawang trial court laban kay Quiboloy kaugnay sa mga kasong sexual abuse at human trafficking.
Kaliwa’t kanan ang pagbatikos kay Torre at binantaan pang mawawala ang retirement benefits nito kapag sinampahan ng mga kaso. Alam n’yo naman siguro kung saan nagmula ang mga pagbabanta. Si Torre ay sumusunod lamang sa kautusan kaya ang kanyang buhay ay kakambal na ang mga pagbabanta at siyempre ang asunto.
Matapos maitalaga si Torre sa CIDG, ang malawakang cigarrete smuggling sa Mindanao ang kanyang tinutukan. Milyun-milyong pakete ng smuggled na sigarilyo ang kanilang nakumpiska. Talagang napakasipag ni Torre!
Noong Biyernes, naaresto ni Torre ang multi billon scammer sa Indonesia dahil sa pakikipag-ugnayan sa Interpol. Kasunod nito ay ang pag-aresto ni Torre sa isang radio broadcaster sa Cebu dahil sa pang-e-extort sa mayor ng Cebu. Nakakulong na ang suspect.
Ang inaabangan ngayon ay ang gagawing pagsalakay ni Torre sa private armies ng mga pulitiko. Malapit na ang midterm election kaya nararapat nang wasakin ang mga “hukbo sandatahan” ng mga pulitiko. Kapag nadurog ni Torre ang private armies, magiging mapayapa ang 2025 elections.
Kayang-kaya ito ni Torre. At kapag nagawa niya, tiyak may nakalaan sa kanyang gantimpala sa hinaharap. Ang mga alagad ng batas na katulad niya ay malayo ang nararating! Abangan.
- Latest