Masama sa kalusugan ang magalit. Narito ang mga posibleng mangyari kapag hindi ninyo napigilang magalit:
1. Altapresyon – Kapag ika’y nagalit, puwedeng tumaas ng 30-50 puntos ang iyong blood pressure. Kaya ang presyon na 130/80, ay puwedeng umabot sa 180/100.
2. Istrok – Kapag tumaas ang presyon, posibleng pumutok ang ugat sa utak. Ang tawag dito ay brain hemorrhage na madaling makamatay.
3. Atake at sakit sa puso – Narinig mo na siguro na may taong inatake sa puso pagkatapos magalit. Sobrang stress po ang dahilan nito.
4. Pagdurugo ng mata – Maraming pasyente na ang nabulag ang mata dahil sa matinding galit. Pumutok kasi ang ugat nila sa loob ng mata.
5. Bukod sa mga nabanggit, posibleng may koneksyon din sa pagkagalit ang kanser, diabetes, asthma, sakit sa likod, at iba pa.
Paano mababawasan ang galit?
1. Mag-ehersisyo – Nakababawas ang ehersisyo sa stress at tensyon sa katawan.
2. Magpahinga nang sapat – Huwag magmadali at sobrahan ang iyong trabaho. Kapag hindi ka overworked, mas hindi iinit ang iyong ulo.
3. Habaan ang pasensya – Huwag maging perfectionist. Tanggapin na talagang may nahuhuli sa mga schedule, meeting at oras ng biyahe.
4. Ayusin ang pag-iisip – Alamin ang mga bagay na mabilis magpainit sa iyong ulo. Bago pa ito mangyari, mag-isip na ng paraan para makaiwas dito.
5. Maghintay ng ilang oras – Kung may kaaway ka, huwag mo agad siyang harapin. Mag-deep breathing exercises muna. Huminga nang malalim at mabagal ng 10 beses.
6. Kausapin ang sarili o baguhin ang pananaw – Tanungin ang sarili: Itong kinakagalit ko ba ay may epekto sa akin pagkalipas ng 1 taon o 10 taon? Kadalasan ay wala naman.