Madalas mabansagang “model city” ang Makati dahil sa mga programang pangkalusugan, edukasyon, at serbisyong panlipunan na sinisikap tularan ng ibang mga lokalidad.
Ngunit ano nga ba ang batayan para masabing huwaran ang isang siyudad?
Sa ganang akin, ang simpleng sagot: Governance.
Masasabing mahusay ang pamamahala sa isang lungsod kapag naibibigay sa mga mamamayan ang karapat-dapat na serbisyo at oportunidad para umunlad at guminhawa ang buhay.
Ilang taon nang isinusulong ng aking pamunuan ang modernisasyon ng serbisyo publiko sa Makati. Napatunayan naming napakahalaga ng teknolohiya para maisulong ang transparency at good governance, at lalong mailapit ang pamahalaan sa taumbayan.
Ngayong may pandemya, malaking pakinabang sa Makatizens ang digital initiatives na naisagawa namin sa ilalim ng public-private partnerships. Nakatulong ang libreng WiFi sa online classes, work-from-home setup, at online business. Mabilis ding natatanggap ng Makatizens ang ayuda ng pamahalaan nang hindi kailangang pumila at magsiksikan.
Tuluy-tuloy din ang frontline services ng City Hall at ang pagpasa ng mahahalagang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod sa tulong ng internet.
Ngunit nariyan pa rin ang mga hamon at nakaambang panganib dulot ng climate change. Hindi sapat na maunlad ang isang lungsod para ituring na model city. Kailangang handa rin itong harapin ang dumaraming hamon na dulot ng climate change.
Sa Makati, nasimulan na namin ang paghahanda bago pa nangyari ang pandemya. Nag-invest kami sa makabagong kagamitan para sa disaster response at sa specialized training ng first responders hanggang sa barangay. Isinagawa ang fire drills at earthquake drills sa mga paaralan, tanggapan at pasilidad ng pamahalaang lungsod at pribadong sektor. Libo-libong hard hats at go bags ang naipamahagi namin sa mga estudyante sa public schools, mga pamilyang nakatira sa danger zones, at mga kawani ng City Hall.
Ngayon, binalikan namin ang mga nagawang plano at binago ang mga ito para matugunan ang mga bagong hamon. Katuwang namin ang mga kinatawan ng mga barangay, business community at iba pang mga sektor. Mahalaga sa amin ang partisipasyon ng lahat ng mga sektor upang maging mas epektibo ang anumang polisiya o programang ipatutupad.
Kapag panatag ang loob, ligtas at masaya ang mga mamamayan dahil sa mga programa at serbisyong hatid ng pamahalaang lokal, masasabing ito ay isang “model city”.