Hindi lang linya sa sikat na ‘90s song na “Harana” ang tinutumbok ng pasakalye ko, kundi ang mismong kanta na tila naging uso ulit kamakailan, at naging trending topic pa online! Ito’y dahil sa pag-ungkat ng netizens sa version ng kanta ni dating Smokey Mountain member at ngayo’y managing director ng Bangko Sentral ng Pilipinas na si Tony Lambino, na pinalabas sa Ryan Ryan Musikahan. Dahil dito, nalaman ng netizens na hindi original composition ni Tony ang “Harana” at hindi rin pala ito gawa ng Parokya ni Edgar, ang bandang nagpasikat din dito.
Pero alam ninyo bang matagal ko na itong alam? Nagsimula kasi ang kantang ito noong panahon ko pa sa Ateneo — bandang late ‘80s. At ka-barkada ko pa mismo noong college ang nagsulat ng kanta! Narinig ko pa nga ang original version nito. Sikat ito noong una sa aming grupo, pero nang kalaunan, naging parte na rin ito ng iba’t ibang mga jamming session sa eskwelahan. Isa pa nga ako sa mga unang hinarana sa kolehiyo gamit ang kantang ito!
Dahil sa kakaibang kuwento sa likod ng “Harana,” minabuti naming pagsama-samahin sa kauna-unahang pagkakataon sa “Pamilya Talk,” ang mga musikerong nagbigay buhay sa kanta simula’t sapul. Ito’y ang original composer na si Eric “Yappy” Yaptangco, ang mga nagpasikat nito na sina Tony at Chito Miranda ng Parokya ni Edgar, at si Cholo Mallillin, ang naging tulay sa mga magkakaibang henerasyong ito, na siya ring tuluyang nagbigay-daan sa mainstream success ng “Harana.” Nagmistulang #throwback ang aming episode sa bawat alaalang pumapalibot sa paglikha ng kanta. Nagpaunlak pa sila ng isang performance gamit ang kani-kanilang versions!
Musika ng mga torpe
Sinulat ni Yappy ang “Harana” noong 1989. Nakilala ko si Yappy nang ako ay sumali sa aming katatayo pa lamang noong student political party sa Ateneo na tinawag naming Hudyat. Karamihan sa mga barkada namin sa Hudyat ay torpe! Kaya para suyuin ang kanilang crushes noon, naisipan nilang mang-harana.
Sabi ni Yappy, “One of the founders ng Hudyat kasi ay magtatapat na sa magiging girlfriend niya at that time. Yung isa sa amin ang nagsabi na, ‘Mang-harana tayo para mas dramatic. Para may event!’”
A la “wingmen” ng isang nanliligaw, masipag mangharana sina Yappy noon. May sequence pa silang nalalaman sa bawat harana! Dadalhin muna ng nanliligaw ang babae sa isang romantikong lugar na gaya ng overlooking site sa Beverly Hills, Antipolo. Pagkatapos ng isang “signal,” papasok na sina Yappy at iba pang harana boys para kantahan ang babae. Kakantahan nila ito ng mga OPM mula nineteen forgotten, na sya namang tatapusin ng nanliligaw na kabarkada sa isang solo performance para mapasagot ang babae.
Dagdag ni Yappy, “Maski di marunong kumanta, kailangang subukan. Kailangang galing sa puso maski hindi perfect yung pagkakanta.”
Kasabay ng pagra-rally at pangangampanya para sa student council elections, tumatambay kami at nag-ja-jamming ng Hudyat sa Colayco hall ng Ateneo.
Pero hindi lang mga lalake ang nanghaharana noon. Kwento pa ni Yappy, may isang beses na babae naman ang gumawa ng grand gesture na ito para sa kanyang crush na lalake. “Equal opportunity!” biro pa nya.
Sa kagustuhan ni Yappy na maituloy ang tradisyong ito ng panliligaw, naisipan nyang magsulat ng isang kanta tungkol dito. Punung-puno ito ng mga nakakakilig na mga detalye --— ang langit na puno ng bituin, ang hangin na pagkalamig-lamig, ang nanliligaw na may dalang rosas at nagkakandarapa sa pagkanta, ang barkadang nakaporma sa kanilang barong at maong.
“One night ko syang sinulat. Eto yung kantang gustong lumabas na talaga at maiparinig sa iba.”
Naitago pa ng taga-Hudyat na si Gary Tengco ang unang transcription na ito ng kanta noong 1989 na nasa sulat-kamay pa ni Yappy. Pinamagatan ito noong "Isang Munting Harana."
Pagsikat ng ‘Harana’
Kalaunan, kinakanta na rin nina Yappy ang “Harana” sa university events. Patuloy na sumikat ang kanta sa campus. Tila naging anthem ito na nagpakilig sa mga kabataan sa Katipunan.
"Hudyat -- the longest running political party in Ateneo then -- accomplished so much in the arena of student politics in Ateneo. Yet our lasting legacy will be our tradition of the Harana... For us, this was just a lot of fun and was our way of supporting each other."
— Kuni Amorsolo Martinez, Hudyat Founder (seated, 3rd from left)
Kwento pa ng classmate ko at batch-balladeer naming si Cholo, “People wanted to learn the song, they wanted to use it. ‘Harana’ had a life of its own in the Ateneo community.”
Trivia: Si Cholo ang unang nag-record ng “Harana,” bago pa man i-record ito nina Tony Lambino at Chito Miranda. Ni-record nya ito sa cassette tape pa!
Ngunit hindi lang doon ang naging parte ni Cholo sa kasaysayan ng “Harana.” Siya ang mismong nagturo sa isang papasikat palang na si Tony na kantahin ito. Kalaunan, ni-record naman ito ni Tony (na alaga noon ng National Artist in Music na si Ryan Cayabyab) sa isang album.
Si Cholo rin ang nagpakilala ng “Harana” sa teenager pang si Chito. Guro noon ng high schooler na si Chito si Cholo, na ginamit daw ang kanta sa isang lesson tungkol sa paggawa ng tula. Bukod dito, naririnig-rinig na rin ni Chito ang kanta sa mga hang-out nilang magbabarkada. Inaral niya ito hanggang sa siya mismo ang nag-interpret na nito noong mapabilang na sya sa Parokya Ni Edgar.
Si Cholo Mallillin (far right, back row) ang nagsilbing tulay para maitawid ang Harana mula sa aming henerasyon hanggang sa mga nakababatang henerasyon nina Tony Lambino at Chito Miranda
Si Cholo nga ang nagtulay kina Chito at Yappy para tuluyang malikha at mailabas ang ngayo’y pamilyar nang bersyon ng “Harana.” Napabilang ito sa 1997 album ng Parokya na Buruguduystunstugudunstuy. Bagama’t nabago nang kaunti ang ilang chords at nawala ang third stanza mula sa orihinal, sumikat ito nang husto.
Kaya laking pasasalamat ni Chito kay “Sir Yappy” at “Sir Cholo” dahil nga ang “Harana” raw talaga ang nagpasikat sa Parokya Ni Edgar. Ang kanta raw na ito ang nagtaguyod ng kanilang career. Dahil dito, biro pa ni Chito, “Nagkaroon ng girls sa concerts namin!”
Proud na proud naman ang dating guro ni Chito na si Cholo. Bagama’t hindi na ito yung orihinal, ang version ng Parokya Ni Edgar ang talagang nagmarka at nagtaguyod ng kanilang musika. Noong mga panahong tila walang lugar ang love songs sa rock scene, nandun ang sikat na sikat na “Harana” ng Parokya.
“Pag kumanta na ang Parokya ng ‘Harana,’ tatahimik na yung mga nasa mosh pit. ‘Tapos mamaya, kumakanta na sila. Iba yung effect ng ‘Harana’ sa crowd ng Parokya,” kwento pa ni Cholo.
Ang magic ng ‘Harana’
Kahit na magkakaiba ang pinanggalingang batch nina Yappy, Cholo, Tony, at Chito, tila naging class reunion pa rin ang aming “Pamilya Talk” episode. Pinagbuklod-buklod nga talaga sila ng “Harana.”
Sabi pa ni Cholo, “Just looking at us now, parang may magic na nangyari at nagkatagpo- tagpo ang mga landas natin at nailabas itong napakagandang kantang ito …. na habambuhay nang isang OPM classic.”
“Harana represented our youthful idealism at that time. As the barkada had gone off to their separate lives and careers, we all still share that desire to make the world even just a bit better, and our bonds have just become stronger through the years. While it’s great to recount all the adventures we've had in our lives, we’ll most fondly remember the people we were with through all of these times.”
— Eric "Yappy" Yaptangco (center)
Dagdag pa ni Tony, “Legend yung ‘Harana.’ Para syang agimat sa mga manliligaw. Napaka-authentic yung pagsulat ni Yappy. Napaka-authentic ng pagkanta ng Parokya. Noong una kong narinig mula kay Cholo, ganun din—napaka-authentic! Damang-dama yung pakiramdam. Na-capture nya lahat yung totoong kwento. Marasap kantahin, masarap pakinggan! Talagang nakaka-move yung experience!”
Sambit naman ni Chito, “That’s the essence of the song—it’s a love song dedicated to a girl pero mas malaking bagay dun yung kwento ng barkada mo having your back more than the romantic side.”
Malayo na nga ang narating ng “Harana” mula sa pagiging Ateneo anthem. Isa na itong OPM classic, na humakot pa ng mga awards kabilang na ang Best Southeast Asia Music Video in the MTV Video Music Awards noong 1999. Iba raw kasi kung paano mangusap ang kanta—bukod sa kwento ng pag-ibig, isa itong kwentong ng barkada.
Laki namang pasasalamat din ni Yappy.
“Joining Hudyat opened my eyes to different social and political perspectives, which would later help me in my service as a journalist and social entrepreneur. Because of the friendships formed, Hudyat gave my college life more fun, more character, and more meaning. I even married a fellow Hudyat member! To this day, I feel blessed knowing these people who would eventually become my brothers and sisters for life!”
— Jing Castaneda-Velasco, Hudyat member
“Lahat ng dagdag, bawas, at pagkakaiba — kasama na yun sa kantang iyon… May sariling buhay na yung kanta. Ang natuwa, hindi lang ako. Lahat tayo. Lahat tayo, may kwento — nagdidikit-dikit. Pag nagdidikit-dikit ang mga kwento natin, mas lalong sumasarap… Yumayaman yung experience, yumayaman tayong lahat. Hindi lang dahil sa koneksyong romantiko o barkadang koneksyon. Yung tiwala, yung pag-ibig, yan talaga yung hinahanap natin ngayon. Yun ang kelangang ituloy lang natin.”
Tulad nina Chito, Tony at Cholo, ipinagpapasalamat ko na ako ay naging bahagi ng kuwento ng Harana. Higit sa lahat, isang malaking biyaya na maging kaibigan ang mga tao sa likod ng awiting ito.
Tama sina Chito sa pagsasabing ang sikreto ng Harana ay nasa pagsasalamin nito sa malapit na samahan ng isang barkadahang nagdadamayan sa lahat ng bagay. Sabi nga, talagang walang iwanan! At sa ating buhay eskuwela, meron at meron tayong ganitong mga kaibigan na patuloy na umaalalay sa atin kahit pa maka-graduate na tayo at maging mga propesyonal na.
Totoong-totoo ito para sa aming mga miyembro ng Hudyat na hanggang ngayon, makalipas ang mahigit 30 taon ay matibay pa rin ang samahan, kahit pa hindi kami araw-araw nagkikita-kita. Dahil sa Harana, patuloy naming naaalala ang mga kalokohan at kasiyahan, ang mga problema at hamon, at siyempre, ang pag-ibig at pagkakaibigan na siyang nagpatibay sa aming samahan at nagbigay-kulay sa aming buhay-estudyante. At dahil ganito rin ang pinupukaw na damdamin ng Harana sa sinumang nakaririnig nito, siguradong permanente na ang lugar nito bilang isa sa mga paboritong klasikong awitin ng mga susunod na henerasyon.