Mali ang mapanghusga

(Isina-Tagalog mula sa kuwentong online; sayang, walang nabanggit na awtor.)

Pumasok sa restoran ang trabahador isang hapon. Naki­­pagkuwentuhan ang may-ari; nalamang bago siya sa lungsod at nag-iipon para ilipat din doon ang pamilya. Nais niya ang magandang buhay sa ina, asawa, at dalawang anak. Nagkatrabaho siya, maliit lang ang sahod, pero mag­titipid para mapasunod ang kaanak. Minsan lang siya kakain kada araw para bawas gastos. Kaya lang daw niya ang P30 na hapunan.

Napahanga ang may-ari ng restoran sa pagpapahalaga ng trabahador sa pamilya. Habang personal na binabalot ang hapunan, hinikayat niya siya na magsikap lang para makamit ang pangarap.

Kinabukasan bumalik ang trabahador. Muli bumili ng P30 na hapunan. Magiliw siyang inasikaso ng may-ari at binalot ang pagkain.

Naulit ang eksena tuwing hapon. Nagbibigay ang trabahador ng P30 at hinahanda ng may-ari ang pagkain ng mapag-impok na suki.

Makalipas ang tatlong taon, masayang dumating ang trabahador at nagsabi na sapat na ang naipon niya kaya mapaparating na niya ang pamilya sa lungsod. Bilang selebrasyon ibibili raw niya ang sarili ng pinakamahal na hapunan sa restoran, halagang P300. Iniabot ang pera. Malugod siyang binati ng may-ari at ipinagbalot ng P300 pagkain.

Sa tirahan pagbukas ng balot, nagulat ang trabahador na ang pagkain ay tulad din ng hapunan niya araw-araw nang tatlong taon. Sumama ang loob niya dahil balak niya magpiyesta nu’ng gabing ‘yon.

Bumalik siya sa restoran para umangal, pero nakauwi na ang may-ari. Dininig ng kusinero ang daing ng trabahador, at saka nagpaliwanag: “’Yan naman talaga ang hapunan namin dito na halagang P300.”

Nabatid ng trabahador na ipinaghanda pala siya araw-araw ng may-ari ng pinaka-mahal na hapunan. Dagdag pa ng kusinero: “Ibinilin ng may-ari na kung bumalik ka ay ibigay sa iyo itong supot.” Laman ay lahat ng pera na ibinayad niya nang tatlong taon para sa pagkaing P30. Napahiya sa sarili ang trabahador sa pagiging mapanghusga.

Show comments