Kinasuhan ng kabit (Huling bahagi)
MATAPOS ang paglilitis, napatunayan ng Regional Trial Court (RTC) na walang pag-aalinlangan na nagkasala si Dindo ng bigamy dahil hindi niya napatunayan ng sapat na ebidensiya (1) ang kasulatan ng divorce, (2) ang pagiging Canadian citizen ni Nida at ang pag-amin niya na hindi siya gumawa ng kaukulang petisyon para aprubahan ng korte sa Pilipinas ang divorce decree. Sumang-ayon ang Court of Appeals sa pasya ng RTC.
Kinatigan ng Supreme Court ang RTC at CA. Sabi ng SC, hindi raw kasi nagamit na depensa ni Dindo ang divorce na nakuha ni Nida sa Canada. Una kasi ay dapat niyang patunayan na naging citizen na roon ang dating asawa at pangalawa, ‘di niya napatunayan na tinapos o pinawalang-bisa na sa Pilipinas ang kanilang kasal bago siya nagpakasal kay Delia.
Sa kaso kasi ng divorce na kinuha ni Nida sa ibang bansa ay hindi awtomatiko ang epekto nito at dapat muna na kilalanin ng mga korte sa Pilipinas. Ang pagkilala ay sa pamamagitan ng hiwalay na petisyon sa korte at ito lang sana ang tanging depensa ni Dindo sa krimen ng bigamy.
Pero dapat na mapatunayan niya na alinsunod ito sa batas ng Canada at may dalawang opisyal na publikasyon o pagkalathala sa Canada at ang mga dokumento ay may selyo o awtentikasyon ng diplomatic o consular officer ng Pilipinas na nakatalaga sa Canada.
Sa kaso ni Dindo ang kaniya lang ibinigay na ebidensiya ay ang divorce decree mula sa registrar ng Supreme Court ng British Columbia sampung taon na ang nakaraan. Kulang ito bilang ebidenisya para kontrahin ang paratang kay Dindo dahil 1) sertipikasyon lang ito at hindi man lang nga mismong desisyon, 2) walang sertipikasyon ng Philippine Consular Officer mula sa Canada, 3) walang kopya ng batas ng Canada na isinumite.
Idagdag pa na hindi naman nakasaad sa divorce decree na ipinapawalang-bisa na ang kasal at imbes ay sinususpinde lang. Ang katunayan na nagpakasal na si Nida sa isang Canadian citizen ay hindi sapat para baliktarin ang hatol kay Dindo lalo at walang sapat na ebidensiya patungkol sa divorce decree at sa pagpapalit ng citizenship o naturalization ni Nida.
Dahil nga kulang ang ebidensiya ni Dindo para patunayan na totoo ang divorce decree at inilabas ito bago siya nagpakasal sa ikalawang pagkakataon ay tama lang na hatulan siya sa kasong bigamy at parusahan ng pagkakulong mula 2 taon, 4 na buwan at 1 araw hanggang pinakamatagal na ang 8 taon at 1 araw (Sart vs. Philippines, G.R. 206284, February 28, 2018).
- Latest