^

PSN Opinyon

Kinasuhan ng kabit (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ang divorce ay hindi kinikilala sa Pilipinas. Kahit nakakuha pa ng kasulatan ng divorce sa ibang bansa ang asawa na kalaunan ay naging mamamayan doon pero kasal siya sa isang Pilipino ay hindi awtomatikong magkakaroon ito ng bisa sa ating bansa. Dapat munang kilalanin ng mga korte sa Pilipinas ang nasabing kasulatan.

Kailangan ba ng hiwalay na petisyon? O kaya ay magagamit itong depensa sa ibang kaso laban sa kanya? Ito ang mga isyung sasagutin sa kaso ni Dindo na kinasuhan ng bigamy.

Kasal si Dindo kay Nida. Umalis si Nida papuntang Canada para doon magtrabaho bilang nurse. Habang nasa ibang bansa, nag-apply na si Nida para maging Canadian citizen at ito ay pinagbigyan.

Matapos maging Canadian citizen ay nagsampa ng petisyon si Nida para sa divorce nila ni Dindo. Pagkatapos ng apat na taon ng pagsasama nila bilang mag-asawa ay pinagbigyan ng Supreme Court ng British Columbia ang petisyon ng divorce.

Lumipas pa ang limang taon ay nagbakasyon sa Pili­pinas si Nida at bumalik sa sariling bayan. Habang naroroon ay hinimok siya ng biyenan at mga lolo’t lola na makipagbalikan kay Dindo dahil mahigpit na tutol ang matatanda sa divorce. Nakumbinse si Nida na bigyan ng pangalawang pagkakataon ang kasal nila ni Dindo. Nagbunga pa ito ng anak na babae.

Pero kahit anong pilit nina Dindo at Nida na isalba ang pagsasama ay nauwi rin sa wala ang lahat dahil muling umalis si Nida ng Pilipinas at bumalik sa Canada kung saan nagpakasal siya sa isang Canadian citizen.

Sa kabilang banda, nakilala ni Dindo si Delia at inamin niya sa babae na kasal siya kay Nida bagaman diniborsyo siya nito. Kahit inamin na kasal siya sa iba ay umusbong ang pagmamahalan sa dalawa. Kinasal sila makalipas ang ilang buwan. Nagsama sila sa iisang bahay at nagkaroon ng dalawang anak.

Pero nasira ang kanilang pagsasama nang bumalik si Nida sa Pilipinas at kinumbinse si Dindo na payagan siya na ikuha ng Canadian citizenship ang anak nilang babae. Nang malaman kasi ni Delia ang pagtatagpo nina Dindo at Nida ay inakala nito na nagkabalikan na ang dalawa. Lumayas siya sa kanilang pamamahay at nagsampa ng kasong bigamy laban kay Dindo pagkatapos ng siyam na taon mula nang ikasal sila.

Sa paglilitis, kinuha lang ang deposition o testimonya ni Nida dahil pabalik na ang babae sa Canada. Nagsumite ng mosyon ang prosekusyon na si Dindo na ang maghain ng ebidensiya tutal ay inamin naman niya ang pagpapakasal ng dalawang beses. Ang pangunahin niyang depensa ay ang divorce decree na nakuha ni Nida sa Canada.

Sa kabilang banda, hindi na nag-abalang magsumite ng sariling ebidensiya ang prosekusyon at ang ginamit na lang na katibayan ay ang dalawang kasamiyento ng kasal (marriage contract) ni Dindo kay Delia at kay Nida. Ginamit din na ebidensiya ng prosekusyon ang divorce decree ni Nida na inilabas pagkalipas ng 10 taon matapos magpakasal sina Dindo at Nida.

Matapos ang paglilitis, napatunayan ng RTC na walang pag-aalinlangan na nagkasala si Dindo sa krimen ng bigamy dahil hindi niya napatunayan ng sapat na ebidensiya (1) ang kasulatan ng divorce, (2) ang pagiging Canadian citizen ni Nida at ang pag-amin niya na hindi siya gumawa ng kaukulang petisyon para aprubahan ng korte sa Pilipinas ang divorce decree.

Sumang-ayon ang Court of Appeals sa pasya.

Tama ba ang RTC at CA?

(Itutuloy)

DINDO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with