Kadalasan, walang saksi sa kaso ng rape maliban sa mismong biktima. Kaya madalas na pinapatunayan ang krimen sa pamamagitan ng sirkumstansiya at ng pagkakasunud-sunod ng mga detalye ng kaso para patunayan na ginahasa ang biktima base sa nabuong konklusyon at sa karaniwang karanasan ng tao. Mas mahirap kung napatay ang biktima at wala na para tumestigo sa krimen. Inilalarawan ito ng kaso ni Anita (hindi tunay na pangalan).
Onse-anyos si Anita at nakatira sa isang Barangay kasama ang tatay niyang si Lauro at nanay niyang si Linda. Kasama nila na nakatira rin sa barangay ang tiyuhin na si Andres na kapatid ni Lauro pati ang magkapatid na Berting at Lando na kaanak din ni Lauro.
Isang gabi bandang alas siyete, nakita ni Andres si Berting na hawak sa braso si Anita at kinakaladkad papunta sa eskuwelahan. Hindi nag-isip ng masama si Andres dahil magkamag-anak naman ang dalawa. Sinita lang niya ang dalawa at pagkatapos ay bumili na siya ng sigarilyo at saka umuwi para makipag-inuman sa mga pamangkin.
Sunod na araw, kumalat ang balita na nawawala si Anita. Tumulong si Andres sa paghahanap at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay ay natunton sa may kawayanan malapit sa eskuwelahan ang walang buhay, nangingitim at nabubulok na bangkay ng dalagita.
Kinilala ni SPO3 Lozano ang bangkay at napag-alaman mula kay Andres na si Berting ang huling taong nakitang kasama ni Anita noong buhay pa. Pero nang hanapin si Berting ay nawawala na ito at hindi na makita.
Gumawa ng ulat si SPO3 Lozano at hiniling ang awtopsiya sa bangkay. Matapos ang apat na araw, bumalik siya sa barangay at nakita ang kapatid ni Berting na si Lando na ang sabi naman ay naglalakad siya pauwi kasama nina Anita at Berting nang utusan siya nito na mauna na sa bahay.
Base sa autopsy report, namatay si Anita dahil sa pamamaga ng utak at may natagpuan pa na punit sa ari nito tanda na ginahasa ang dalagita. Kaya kinasuhan ng rape with homicide si Berting dahil sa ginawa niyang pagsasamantala at pagpatay sa biktima.
Lumalabas na pinaghahampas at pinagpapalo ang babae matapos gahasain at ito ang naging sanhi ng agad na pagkamatay nito. Inabot ng anim na taon at apat na buwan bago naaresto si Berting at nasampahan ng kaso.
Para patunayan ang mga nangyari, ginawang testigo ng prosekusyon sina Lauro, Andres, SPO3 Lozano, Dra. Mejia at Dr. Mendoza na gumawa ng awtopsiya sa bangkay.
Sa kanyang depensa, tumestigo si Berting at sinabing kinse anyos lang siya nang nangyari ang krimen. Kinumpirma niya na kakilala niya si Anita at katunayan ay pinsan niya ang babae na nakatira sa parehong barangay.
Todo tanggi ang lalaki at ang palusot ay naroon siya sa bahay ng lola niya nang gabing nangyari ang krimen. Nanonood daw siya ng telebisyon kasama ang kapatid na lalaki at may 20 katao kasama na si Anita. Pagkaraan daw ay umuwi na sila ng utol na si Lando sa bahay ng kapatid nilang babae para matulog pero hindi na niya napansin kung nakaalis na si Anita.
Tungkol naman sa pagkawala niya nang mahanap na ang bangkay ni Anita at gumagawa na ang mga pulis nang imbestigasyon ay wala na raw siyang alam dahil isinama na siya ng ama-amahan pauwi sa probinsiya.
Tumestigo rin si Lando at binawi na ang unang pahayag. Nang mangyari raw ang insidente ay sabay sila ni Berting na umuwi sa bahay ng kapatid nilang babae pagkatapos manood ng TV sa bahay ng kanilang lola.
Pagkatapos ng paglilitis, hinatulan ng RTC si Berting. Napatunayan na ginawa niya ang krimen at nag pinataw na parusa ay habambuhay na pagkakulong (reclusion perpetua). Pinagbabayad din siya ng danyos sa mga naulila ni Anita. (Itutuloy)