Hindi na pala dapat pagtakhan kung bakit hindi masibak-sibak ni Presidente Duterte si Health Secretary Francisco Duque sa kabila ng sangrekwang kapalpakan sa pangangasiwa sa COVID 19 Pandemic. “Very close” pala si Presidente sa kapatid ni Duque, ayon mismo kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Diyan mapapatunayan ang lumang kasabihang “it is not what you know but whom you know” para manatili ka sa puwesto. Daig pa ang “kapit-tuko” at masahol pa sa ginamitan ng pinaghalong Superglue at Epoxy.
Naalala ko noong araw nang nasa elementary pa ako, mayroon kaming gamit na pandikit na matindi ang kapit sa mga industrial arts projects namin. Ang tawag, Duco Cement. Siguro magandang itawag sa Health Secretary ay “Duque Cement.”
Sabi ni Spokesman Roque, idinepensa mismo ng Pangulo si Duque tungkol sa kontrobersyal na paggamit sa pondong nakalaan sa pakikibaka sa COVID 19. Sabi raw ng Pangulo, ayon kay Roque, “mayaman ang pamilya ni Duque” kaya hindi mangungurakot.
Noong araw, natatandaan ko pa ang sinabi ng Pangulo na determinado siyang puksain ang corruption. Nagbabala pa siya sa mga opisyal ng pamahalaan na “with just a whiff of corruption,” sisibakin na niya ang sinumang pinaghihinalaan. Nasaan na ang katuparan ng babalang iyan ni Mr. President?
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang Department of Health at mismo General si Ombudsman Samuel Martinez ang nagbigay ng katiyakan na maparurusahan si Duque kapag napatunayang nagkasala.