Paano papasok kung walang masasakyan?
Wala pang dalawang araw nang magdeklara ng “community quarantine” si Pangulong Duterte sa buong Metro Manila. Ipinagbawal ang labas, pasok sa Metro dala ang sasakyan, eroplano o barko. Isang buwan ang tagal ng pagsailalim sa “enhanced community quarantine” ng buong Luzon. Ibig sabihin ay “istriktong home quarantine, pagsuspinde sa public transportation lines, pagrasyon ng mga pagkain at iba pang pangangailangang pangkalusugan at mas malawakang pagronda ng mga unipormadong awtoridad”. Hindi maiwasang maalala ang martial law. Hindi naman masama ang martial law kung para sa ikaliligtas ng buhay ng tao. Ang masama, ay yung biglaang pagtigil ng mahahalagang gawain pang araw araw, nang hindi malinaw kung saang dusa pupulutin ang ordinaryong mamamayan.
Haimbawa, kung wala nang public transportation, paano makakapasok ang mga kailangang pumasok tulad ng mga healthcare na tauhan? Mga doktor, nurse, med tech, mga aide at mga nasa health center tulad ng dialysis. Marami diyan sumasailalim sa dialysis sa loob at labas ng ospital. May mga pasyente na nangangailangan ng gamot sa pamamagitan ng suwero kaya kailangan ng nurse para diyan. Paano sila papasok? Sa mga ospital na kulang na kulang na nga sa nurses, ngayon hindi na rin makakapasok? Bukas daw ang mga tindahan at bangko. Eh paano nga makakapasok kung walang public transportation?
Dapat maglabas pa rin ng malinaw na patakaran na sakop ang mga healthcare workers. Sila na nga ang nagmamalasakit para sa mga pasyente. Nilalagay ang sarili sa peligro sa panahong ito, sa harap ng nakakakahawang sakit. Hindi lahat ay may sasakyan. Kailangang mag-isip ng paraan para makapasok pa ang mga nurse at doktor pati mg technician.
Hindi ko rin maintindihan kung bakit naiipit ang mga face masks sa Customs? Akala ko ba ang ibig sabihin ng Public Health Emergency ay mapapabilis ang paglabas ng pondo para sa mga kagamitang medikal? Bakit naiipit sa Customs kung kelan kailangan na kailangan ang face masks sa mga ospital? Ang laki ng pondo ng gobyerno para dito.
Sa kasalukuyan ay may 142 na positibong kaso ng COVID-19 at 12 na ang namatay dahil sa virus. Hangga’t hindi tumigil ang pagdagdag ng mga positibo para sa COVID-19 ay hindi pa mababawi ang mga pahayag ni Pangulong Duterte. Hindi na natin kailangang pag-usapan ang epekto sa ekonomiya ng bansa pati sa buong mundo dahil sa nangyayari ngayon.Daan daang milyon ang taya na malalagas sa mga negosyo sa bansa. Sa buong mundo ay trilyong dolyares na ang nawala sa pagtigil ng komersyo sa maraming industriya.
Pero sa totoo lang, madaling magreklamo. Nasa tamang direksyon naman ang mga kasalukuyang emergency measures na pinapatupad nang madaian ng gobyerno. Ang hinihingi lang ng tao ay kalinawan habang dumadaan ang araw. Ang hinihingi naman ng gobyerno sa tao ay sumunod nalang muna.
- Latest