EDITORYAL - Drug test sa jeepney drivers, nararapat
Maraming drug addict. Kahit pa madugo ang kampanya ng pamahalaan laban sa drug traffickers, patuloy pa rin ang pagkalat ng shabu at kabilang sa mga nalululong dito ay ilang jeepney drivers. Namamasada ang mga drivers na ito na kargado ng shabu at lubhang delikado sapagkat nananagasa sila ng mga tumatawid na pedestrians at mga naghihintay na pasahero. Wala na silang control sapagkat lumilipad ang isip at huli na bago malaman na nakapatay na siya ng mga tao.
Ganito ang nangyari noong Pebrero 12 makaraang araruhin ng jeepney ang mga tumatawid na estudyante sa J.P. Rizal St. Makati City na ikinamatay ng 1 at ikinasugat ng 7 iba pa. Namatay si Jules Villapando, Grade 8 student sa Gen. Pio del Pilar High School.
Naaresto ang driver na si Crisalde Tamparong at idinahilan na nawalan ng preno ang minamanehong jeepney kaya nasagasaan ang mga estudyante. Pero nagduda ang mga pulis sa alibi ni Tamparong sapagkat kung nawalan ito ng preno, dapat sinagasa niya ang pader na nasa gilid ng Pasig River. Isinailalim sa drug test si Tamparong at nadiskubreng nagsa-shabu siya. Bago pumasada ay gumagamit siya ng shabu. Nalaman din na wala siyang driver’s license sapagkat nakumpiska na sa rami ng traffic violations. Nakakulong na si Tamparong dahil sa mga isinampang kaso sa kanya at ganundin sa paggamit ng droga.
Ang malagim na pangyayaring iyon ang naging daan para magsagawa ng random drug testing ang Makati police at Land Transportation Office (LTO) sa mga jeepney drivers na bumibiyahe sa lungsod. Iba’t ibang lugar ang pinuwestuhan ng mga pulis at LTO at sorpresang pinara ang mga jeepney at isinailalim sa drug test ang drayber. Pitong jeepney drivers ang nagpositibo sa paggamit ng shabu. Idinetain sila sa Makati police station habang inihahanda ang kaso.
Nararapat na ang pagsasailalim sa mga jeepney drivers sa drug testing. Patunay ang nangyari sa Makati na maraming drivers ang lulong sa shabu. Kung hindi isasailalim sa test ang mga jeepney drivers, nasa panganib ang mga pedestrians at maging mga pasahero. Nararapat na maparusahan ang mga addict na driver. Hindi sila dapat magmaneho. Walisin sila sa kalsada.
- Latest