Millennials, matampuhin nga ba?!
Ilang buwan na lamang ay may mga ga-graduate na sa kolehiyo. Mapapabilang sila sa istatistika ng mga unemployed o ‘di kaya’y sa bilang ng mga susuwertehing makahanap agad ng trabaho. Paalala sa mga magulang, hindi sa pagtapos ng kurso ng ating mga anak natatapos ang ating responsibilidad. Kakailanganin nila ng mas matatag na gabay sa seryosong yugto ng kanilang buhay – ang pag-e-empleyo.
Sabi ng social experts, ang mga millennial sa panahon ngayon ay aggressive, achiever and digital native that makes them creative. Subalit sa sobrang agresibo, ang ilan ay nagiging over-confident o ‘di naman kaya ay highly entitled.
Ako, bilang isang employer, pinuno ng BITAG Media Unlimited Inc, 80% ng aming workforce ay millennials. Sa halos 2 dekada na ng BITAG sa industriya, nakaengkuwentro na ako ng mga taong tinutukoy ko sa kolum na ito, may mas malala pa.
Mga magulang, dito tayo dapat higit na umalalay, magpaalala. Sa ganitong puntong nag-uumpisa pa lamang ng career ang inyong mga anak, payuhan n’yo na maraming hamon ang darating. Ang mga hamong ito ay maaaring masakit, taliwas sa kulturang kanilang kinamulatan. Magpaalala na ito ay sa umpisa lamang at posible pa itong makabuti sa paghubog ng talento’t pagkatao.
Bago mag-2020, isang millennial-employee ang lumapit sa aming tanggapan. Sinusumbong niya ang isang bisor ng kompanyang pinapasukan, pinag-iinitan daw siya. Tinanong ko siya kung paano niya nasabing siya’y pinag-iinitan, panay daw ang utos nito sa kanya kahit iba ang kanyang departamento. Tanong ko ulit kung ito ba ay pasok sa polisiya ng kompanya at sakop ng kanyang trabaho, oo ang sagot niya. Nangingiyak-ngiyak siyang nagsumbong at nagsabing binantaan daw siya ng bisor na tatanggalin sa kompanya. Nagalit daw ito sa kanya nang mangatwiran siya.
Limang buwan pa lamang ang dalaga sa kompanya at sa ilalim ng recruitment agency. Nakausap ko naman ang kompanyang pinagtatrabahuan, hindi naman daw siya tinatanggal dahil walang kapangyarihan ang isang bisor na tumanggap at magtanggal ng trabahador.
Simple lamang ang ipinayo ko sa kanya, para akong ama na kumakausap sa aking anak. Sa mundo ng pag-eempleyo, maraming uri ng tao ang makakaengkuwentro. May bida, may kontrabida, may bida-bida, pati salbabida isinama ko na. Matutong makisama’t iwasang maging sensitibo o matampuhin.
Kung sakaling magkaroon ng ‘di pagkakaunawaan, mayroong mas nakatataas na maaaring mamagitan. Karapatan nilang malaman ang nangyayari sa ibaba at responsibilidad nilang mapakinggan, mapag-ayos ang dalawang panig. May ilan siyempre, sumalungat sa aking pananaw. Pinanigan ko daw ang employer, hindi ko raw tinulungan ang nagrereklamo.
Uulit-ulitin ko, hindi lahat ng sumbong ay may kaukulang aksiyon. Ang simpleng pagbibigay linaw at pakikinig sa reklamo ay kabahagi rin ng serbisyo publiko ng BITAG.
Layunin ng BITAG ang magbigay ng kaalaman sa mga taong dumudulog sa aming tanggapan. Payuhan sila sa kung anong dapat gawin ayon sa proseso at bilang respeto sa batas.
- Latest