Marami na naman ang nasugatan noong nakaraang Bagong Taon kahit na ipinagbawal na ni President Duterte. Marami pa ring Judas Belt, Sawa, Goodbye Earth, Goodbye Philippines, Bin Laden at Piccolo ang pinaputok. At ang resulta, marami na namang naputulan ng daliri at nasabugan ng pulbura sa mata noong bisperas ng Bagong Taon. Nabasa ko na umabot sa 324 ang mga biktima nang malalakas na paputok.
Ang nakapagtataka lamang ay kung paano nakabili nang maraming paputok ang mamamayan gayung ipinagbabawal ito sa ilalim ng Executive Order No. 28 na nilagdaan ni President Duterte. Hindi naipatupad nang mahigpit ang kampanya?
Isa sa palagay kong dahilan ay kaya marami ang nakapagpaputok at nasugatan ay dahil maaari nang bumili nito online at sabi ng PNP hindi naman daw ito bawal basta susunod sa Republic Act No. 7183 o ang fireworks law.
Kung puwedeng bumili online ng mga paputok, hindi na maiiwasan na marami ring madisgrasya. Patuloy na may mapuputulan ng daliri, braso at mabubulag dahil sa paputok. Hindi matutupad ang nais ng pamahalaan na “zero casualty” kapag sasapit ang Bagong Taon sapagkat maraming paraan kung paano makakabili nang malalakas na paputok.
Kagaya ng inyong sinabi sa inyong Editoryal, ang pinakamainam na solusyon ay ipagbawal nang lubusan ni Presidente ang mga paputok. Nagawa na niya sa Davao City ang total ban sa paputok at maaari rin niyang magawa sa buong bansa. Ipatupad niya ito sa susunod na taon para wala nang madisgrasya sa paputok. Sana ay mapakinggan ni President Duterte ang panawagan ko. Salamat po. --- MANUEL ORCASITAS, Calamba, Laguna