HINDI naman masama kung “Manila” ang ginamit na kanta habang pumaparada ang delegasyon ng Pilipinas noong Opening Ceremony ng SEA Games na ginanap sa Philippine Arena noong Sabado.
Bakit daw iyon ang ginamit na kanta, ayon kay Davao City mayor Sara Duterte. Hindi raw “inclusive” ng buong bansa. Ewan ko, pero kapag nabanggit naman ang “Manila” ay Pilipinas naman ang kaagad nasa isip, hindi ba? Madali pang kantahin.
Taga-Pampanga ang nanay ko at Tagalog naman ang tatay ko. Hindi ko naman kinuwestyon kung bakit Manila lang ang binanggit sa opening. May kanta ba ang Davao o ang iba pang siyudad at bakit hindi iyon ang ginamit? Dinepensa na rin ng isang opisyal at ng direktor ang paggamit ng “Manila” sa seremonya.
Ang kulturang Pilipino ay mahusay na kinatawan ng seremonya. Mga sayaw at kasuutan na likas sa iba’t ibang kultura ng bansa. Wala nga akong nakitang jeepney na karaniwan sa Manila.
Matagumpay, maganda at walang aberya ang opening ceremony. Naipakita sa rehiyon pati na rin sa buong mundo na kaya ng Pilipinas maging maayos na punong-abala sa SEA Games. Baka maangat na sa Asian games, malay natin?
Siguro dapat may gumawa ng kantang masaya na sakop na ang buong Pilipinas para lahat masaya na. Sa ngayon ay “Ang Bayan Kong Pilipinas” pa lang ang naiisip ko e malungkot naman iyon.
Kapansin-pansin din ang maagang tagumpay ng ating mga atleta sa pagbukas ng laro. May nakuhang gintong medalya muli si Hidylin Diaz sa weightlifting. Nakikilala na nang husto si Carlos Yulo sa gymnastics.
Marami pang mga atleta ang makikilala na rin dahil sa kanilang magagaling na pagganap. Nalampasan na nga natin ang nakuhang gintong medalya noong 2017.
Mukhang inspirado nga ang ating mga atleta. Magandang pagsasanay na rin para sa susunod na SEA Games sa 2021 na gaganapin sa Vietnam at sa Asian Games na gaganapin sa China sa 2022.
Sana mapagpatuloy ang galing, lakas at bilis ng mga Pilipino. Kahit ang bagyong Tisoy ay hindi mapipigilan ang tagumpay ng mga Pilipino!