Napabalita online na namatay ang pasyente na lulan ng ambulansya dahil naipit sa trapik sa Kamaynilaan. Nag-post ng reaksiyon ang isang mambabasa: “E bakit naman kasi nagbibiyahe ng pasyente habang rush hour, kaya hayan... Kasalanan ‘yan ng doktor.” Napakakitid ng isip ng Netizen na ‘yon. Naka-ambulansya ang pasyente dahil sa emergency kailangan maospital agad para magamot. Mas masama ang isip ng mga tsuper na hindi nagbigay-daan sa ambulansya. Basic driving rule saan man sa mundo na igilid ang sasakyan kapag may sumisirenang ambulansiya, bumbero, o pulis dahil may buhay at ari-arian na ililigtas.
Maraming ayaw magbigay na Pilipino. Nakikipag-unahan sa kung anu-ano. Akala mo’y parating malalamangan o mauubusan kung hindi mauna sa kapwa. Pansinin ang pila sa elevator. Pagbukas ng pinto, sisingit sa harap ang mga nasa likod ng pila; sasalubungin pa ang mga pababa. Parang mga dagang dingding na nang-aagaw ng mumo na bumagsak mula sa hapag-kainan! Sa kalye naglipana ang mga naka-motorsiklo. Kung mag-overtake ay mula sa kanan, na blindside at bawal; akala mo walang kamatayan kung makadyot ng kotse. Pati sa bangketa na para sa pedestrians lang, humaharurot ang mga motorsiklo. Walang pakialam sa kaligtasan ng iba. Wala naman silang mahalagang lakad; apurado lang. Pati sa pag-igib ng tubig nag-aaway ang magkakapitbahay. Malimit mapabalita ang mga nagsaksakang binatilyo at nagsabunutang matrona dahil lang sa gulangan sa pag-igib sa poso.
Sa mauunlad na bansa mapapansin na nagbibigayan ang mamamayan miski nagmamadali. Sa America, Europe, Japan, at Australia, kapag nagkasalubong sa kanto ang mga kotse, pinauuna ang isa’t isa ayon sa traffic rules, para maiwasan ang aksidente, abala, at gastos. Sa pila sa restoran o sinehan, pinauuna at kusang inaalalayan ang mga may kapansanan. Sa Pilipinas kung saan gulangan ang uso, hindi umuunlad ang kabuhayan. Kasi, puro pakabig at makasarili.