Impeksiyon sa ihi, kidney at prostate
ANG urinary tract infection (UTI) ay impeksiyon sa kidneys, ureters, bladder (pantog) at urethra. Ang gamutan sa UTI ay antibiotics. Ipinapayo kong baguhin ang inyong lifestyle o kinagawian sa buhay.
Gumamit ng mild soap o hindi matapang na sabon na panlinis ng puwerta. Sa mga babae, ang tamang pagpunas sa pag-ihi ay simula sa harap muna papuntang puwitan. Mali kung simula sa puwitan papuntang harapan.
Uminom nang maraming fluids para ma-flush out ang mga bacteria.
Magsuot ng mas maluwag na pantalon at cotton na underwear para mas mahangin.
Habang naka-antibiotics, mainam kumain ng yogurt.
Ang pyelonephritis naman ay impeksiyon sa kidney mula sa bacteria. Ang pasyente ay nilalagnat, masakit ang balakang, madalas umihi, o merong dugo sa ihi.
Pag may bato sa bato (kidney stones), magbawas sa matinding ehersisyo tulad ng mahabang pagtakbo.
Sa urine test o urinalysis, sinasahod ang midstream o gitnang labas ng ihi na may daming 10 ml at ibibigay sa laboratoryo.
Problema sa pag-ihi:
Kapag nahihirapang umihi, maaaring may kaba o depende sa lokasyon kung saan umiihi.
Sa lalaki, puwedeng lumaki ang prostate gland at naiipit ang tubo sa pag-ihi, o may kanser sa prostate o prostatitis. Puwede rin na may problema sa urethra dahil may impeksiyon, sugat o dumaan na bato.
Kapag madalas umiihi (polyuria), maaaring dahil uminom ng kape, tsaa, alak, buntis, natatakot, o may impeksiyon sa pantog.
Ang may diabetes ay madalas maihi, may rashes at yeast infection, at minsan ay may bladder prolapse o buwa (pelvic organ prolapse). Kung umiinom ng gamot na pampaihi, madalas ding mapapaihi.
May pagkakataon ng konti ang ihi (oliguria) pag may glomerulonephritis, kidney failure o dehydration kung nagtatae.
Dagdag kaalaman:
Ang glomerulonephritis ay pagkasira ng pansala (Glomeruli) ng kidneys. Maaring bigla o acute glomerulonephritis, o matagal o chronic glomerulonephritis.
Ang prostatitis ay impeksiyon sa prostate.
- Latest