EDITORYAL - Hindi na gagamitin ang Dengvaxia
PINAL na ang desisyon ng Department of Health (DOH) na hindi na bibigyan ng certificates of product registration (CPRs) ang Dengvaxia vaccine. Ibig sabihin, wala nang aasahan pa ang Sanofi Pasteur, manufacturer ng Dengvaxia, na maibalik nila sa bansa ang paggamit ng bakuna laban sa dengue. Ito ay sa kabila na marami nang lugar sa bansa ang may epidemya ng dengue. Ang desisyon ng DOH ay kasunod din naman ng desisyon ng Food and Drug Administration (FDA) na permanente nang i-revoke ang CPRs ng French pharmaceutical company. Unang binawi ng FDA ang CPRs ng Sanofi noong nakaraang Pebrero.
Ayon sa desisyon ng DOH noong Agosto 20, ang pagtanggi nila sa apela ng Sanofi na mabigyan ng CPRs ay walang kinalaman sa Dengvaxia vaccine. Hindi nila tinatawaran ang bakuna. Ang desisyon nila para huwag bigyan ng CPRs ay dahil sa kabiguan ng Sanofi na makapagbigay ng documentary evidence kung epektibo ang bakuna sa publiko.
Walang dapat sisihin sa nangyaring pag-revoke ng CPRs ng Sanofi kundi sila na rin mismo. Inihulog nila ang sarili sa bangin. Mabilis magdesisyon ang FDA sapagkat inamin mismo ng Sanofi noong Nobyembre 2017 na ang Dengvaxia vaccine ay magdudulot ng severe dengue kapag naiturok sa mga hindi pa nagkaka-dengue.
Maraming nag-panic sa inihayag ng Sanofi. Kasunod niyon ay ang paglutang ng mga magulang at sinabing namatay ang kanilang anak makaraang mabakunahan ng Dengvaxia. Nagkaroon ng mga pagsusuri sa mga namatay na bata at nakita ang pagdurugo sa kanilang internal organ, paglaki ng puso at atay at iba pang sakit na ayon sa mga magulang ay lumutang makaraang mabakunahan ng Dengvaxia.
Sabi pa ng ilang magulang, hindi nila alam na nabakunahan ang kanilang anak habang nasa eskuwelahan. Ayon sa mga bata, pinapila sila at saka binakunahan. Nagkaroon ng dengue immunization noong Abril 2016 at 800 school children mula sa National Capital Region, Central Luzon at Region 4 ang binakunahan. Ang Dengvaxia ay binili ng P3.5 bilyon.
Tama ang pasya ng DOH na i-revoke ang registration ng Sanofi. Tama na ang isang pagkakamali sa Dengvaxia. Turuan na lamang ang mamamayan sa pagpuksa sa mga lamok na naghahatid ng dengue.
- Latest