HABANG maingay ang isyu ng pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda, may report na naglagay ang China ng apat na eroplanong pandigma sa Woody Island sa Paracels. Kitang-kita sa imahe ng satellite ang apat na modernong eroplanong pandigma, ang J-10 ng People’s Liberation Army Air Force (PLAAF). Ayon sa mga analyst, sadyang inilagay sa dulo ng paliparan ang mga eroplano para makita ng mga satellite. Ipinapakita na kaya na nga nila maglagay ng ganyang eroplano sa isla. Ipinapakita na sa kanila ang buong karagatan.
Ang layong abot ng mga J-10 ay saklaw na ang buong South China Sea. Ibig sabihin, kahit mga lugar malapit sa Pilipinas ay maaabot nila tulad ng Panatag Shoal. Kung nalalagay na nga nila sa Woody Island at doon na rin nalalagyan ng gasolina, talagang malayo na ang saklaw ng mga eroplano. Nataon ba na kung kailan may nabangga o binangga na bangka sa Recto Bank ay sabay ang paglapag ng apat na J-10 sa Woody Islands? Mensahe na ba sa lahat na China ang hari ng rehiyon?
Chinese militia ang paniniwala ng marami na bumangga sa F/B Gem-Ver 1, kahit ano pa ang sabihin ng mga mangingisda ngayon. Tatak daw ng militia ang pagbangga gamit ang mga barko na yari sa bakal para matibay. Kung kahoy din daw ang Chinese vessel, dapat nagtamo rin ng danyos tulad ng nasira sa Gem-Ver. Pero tila walang nangyari sa Chinese vessel at umalis na lang. Alam nila siguro na wala namang komunikasyon ang Gem-Ver sa bansa, kaya hindi makakatawag ng saklolo. Kinailangan pa ng dalawang tao sa dalawang maliliit na bangka para magsagwan at maghanap ng tulong. Mabuti at nakita nila ang barkong pangisda ng Vietnam. Ang pag-iwan sa mga mangingisda ang dapat inirereklamo sa China. Huli na ang kasinungalingan nila na pinaligiran daw ng mga bangkang Pilipino ang Chinese vessel kaya umalis.
Komunikasyon sa lahat ng barkong pangisda ng bansa ang pinag-aaralan ngayon ng gobyerno. Pero dahil kulang ang pondo at napakaraming bangka, matatagalan ang pagpapatupad. Sa ngayon ay walang magagawa ang mga mangingisda kundi pumalaot muli kahit walang komunikasyon. At kung mabangga muli ng barko ng China, alam na ang reaksyon at katayuan ng gobyerno.