Malalang problema
SA wakas, mukhang matutuloy na ang pagbalik ng tone-toneladang basura sa Canada. Kaya? Ilang taon na rin itong hindi maaksyunan, dahil sa kung anu-anong dahilan. Hindi tinanggap ni President Duterte ang plano ng Canada na kunin ang mga basura sa katapusan ng Hunyo, kaya inaaksyunan na umano.
Pero hindi lang Canada ang nagtatapon ng basura sa bansa. May mga dumating na basura mula Australia at Hong Kong kamakailan. Ano kaya ang naiisip ng mga bansang iyan at nakapagpapadala sila ng basura sa atin? At sino naman ang tumatanggap ng basura?
Ang alam ko bawal ang magpadala ng basura ang anumang bansa, sa kahit saan sa mundo, maliban na lang kung talagang hinihingi para magamit sa recycling. Ang problema ang itinatapon na basura sa atin ay hindi rin ma-recycle. Dapat imbestigahan din kung sino ang mga tumatanggap sa bansa, pati na rin mga tauhan ng Bureau of Customs, kung saan unang ibinabagsak ang basura.
Malala na siguro ang sitwasyon ng basura sa buong mundo. Baka wala nang mapagtapunan, kaya sinusubukang ipadala kung saan-saan. Kaya mahalaga na pag-aralan ng gobyerno kung ano ang puwedeng gawin sa basura. Dapat may mga recycling plants na tayo para magamit muli ang napakaraming plastik na basura. Pati ang mga papel na tinatapon lang kapag hindi na kailangan. Sa Denmark, ginagamit ang partikular na basura para lumikha ng kuryente. Kung bakit hindi na lang dito ipadala ang mga basura.
Pag-aralan ang sistema ng Denmark, at kung magagawa sa bansa ay baka dito puwedeng tumulong ang pautang ng ibang bansa, tulad ng China na gustung-gusto namang lapitan ng administrasyon, para maipatupad. Isipin na lang na ang tone-toneladang basura na nahahakot mula sa Manila Bay ay magagamit para gumawa ng kuryente. Ilang barangay ang puwedeng makinabang sa ganyang sistema.
- Latest