Bitay sa rapist at drug traffickers
Naniniwala ako na ang pagbabalik sa parusang kamatayan ang makapipigil sa lumalalang krimen ngayon sa ating bansa. Sunud-sunod ang panggagahasa at pagpatay hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa probinsiya. Halimbawa rito ay ang karumal-dumal na pagpatay sa isang 16-anyos na babae sa Lapu-Lapu City noong Marso na matapos gahasain at patayin ay binalatan pa ang mukha. Sa aking palagay, nasa impluwensiya ng droga ang gumawa ng karumal-dumal na krimen. Ang mga nagdodroga lamang ang makagagawa ng ganoong klase ng pagpatay.
Isang dalagita naman ang pinatay kamakailan ng kanyang security guard na boyfriend at saka inilagay ang bangkay sa septic tank ng school.
Mayroon din namang pinatay na dalagita sa Tondo na umano’y napagkamalan lamang. Dahil sa droga kaya binaril ang dalagita. Humihingi ng hustisya ang mga magulang ng dalagita.
Sunud-sunod ang mga panggagahasa at pagpatay sa mga kababaihan. Wala nang kinatatakutan ang mga rapist na pagkaraang gahasain ang mga kawawang biktima ay pinapatay pa. Nasaan ang konsensiya ng mga taong ito na mistulang sinaniban na ng demonyo?
Ang lahat ng mga nangyayaring panggagahasa at pagpatay ay iniuugnay sa paggamit ng droga. Gumamit ng shabu ang mga suspect at nang bangag na ay saka naghanap ng babaing magagahasa. Ganyan ang nangyari sa isang babaing college graduate na ginahasa at pinatay ng magkapatid na traysikel drayber. Gumamit ng shabu ang magkapatid saka pumasada.
Isinakay ng magkapatid ang babae na noon ay bumili lamang ng puto bumbong. Pagdating sa liblib na lugar ay ginahasa nila ang babae at hindi pa nasiyahan, pinatay pa ito.
Para sa akin, dapat ibalik ang parusang bitay at ilapat ito sa mga rapist at drug traffickers. Kung mabibitay ang mga rapist at drug traffickers, maaaring maghatid ito ng takot at wala nang gagawa ng ganitong krimen. Sa ibang bansa, gaya ng Indonesia, China at Saudi Arabia, pinarurusahan ng kamatayan ang mga rapist at drug traffickers. Walang kapatawaran ang mga kasalanang ito.
Sana ganito rin ang gawin sa ating bansa. Ibalik ang bitay para wala nang gumawa ng karumal-dumal.
Kawawa naman ang mga kababaihan na lagi na lamang nagiging biktima. Sana maibalik ang parusa sa lalong madaling panahon. --- MARIA LISA SANTILICES, San Francisco del Monte, Quezon City
- Latest