^

PSN Opinyon

Whistle at panyo: Gamit pang-emergency

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

MAPALAD ako na nakausap is Dr. Arnel Rivera, Division Chief ng Health Emergency Management Staff (HEMS) ng Department of Health. Si Dr. Rivera ay isa ring surgeon at eksperto sa pag-responde kapag may trahedya, tulad ng bagyo, baha at lindol.

Ayon kay Dr. Arnel Rivera, may dalawang bagay ang kailangan nating dala palagi sa ating bulsa – whistle (pito) at panyo. Alamin natin kung bakit?

Pito pang-saklolo:

Ang pito ay mahalaga kapag may aksidente. Halimbawa, kapag ang biktima ay naipit sa kotse, natabunan ng lupa o na-trap sa bahay. Hindi sapat ang ating boses para tumawag ng saklolo dahil mapapagod din tayo. Ngunit sa konting buga ng hangin sa pito ay makapagbibigay ito ng malakas na ingay. Kahit ang biktima ay nasa malayo, posibleng marinig ng mga tao at rescue dogs.

Kung mapapansin ninyo, may pito ang mga pulis pang-huli ng mga magnanakaw. Puwede rin gamitin ang pito bilang panakot sa magnanakaw at rapist. Kaya payo natin sa lahat ng mga bata, magdala ng pito sa inyong bulsa.

Panyo para sa first aid:

Ang panyo ay ginagamit na pangtakip ng bibig at ilong kung tayo ay babahing o umuubo. Ngunit ginagamit din ang panyo o bandana sa first aid bilang (1) tourniquet (pang-ipit); (2) gauze pad (pang-tapal sa sugat); (3) tela panglagay ng gamot; (4) pantali para mabawasan ang pamamaga at (5) sling (suporta sa kamay).

Kapag may dumurugo sa katawan ng pasyente, pu­wedeng gamitin ang panyo para bigyan ng pressure (diinan ng iyong kamay) sa naapektuhang parte hanggang sa tumigil ang pagdurugo. Kapag malakas naman ang pagdurugo sa kamay o paa ng biktima, puwede ring ga­mitin ang panyo para gawing tourniquet (talian ng mahigpit) para mapigilan ang pagdurugo.

Kapag may galos o sugat sa ulo, kamay o paa, pu­wede ring balutin ng panyo ang sugat pagkatapos itong linisin ng sabon at tubig. Ito’y para proteksyunan ang sugat sa impeksyon.

At kapag may napilay sa kamay o braso ng pasyente, puwede ring gamitin ang panyo bilang “sling” para suportahan ang braso. Sa paggawa ng sling, itali ang panyo sa likod ng leeg at ipatong ang iyong braso sa loob ng panyo.

Ito ay ilan lamang sa mga benepisyo ng pito at panyo. Kaya dapat tayo maging handa na parang boy scout. Napansin ba ninyo na may neckerchief ang mga boy scout. Ito ay isang uri rin ng panyo na ginagamit pang-emergency. Ang galing, hindi ba?

ARNEL RIVERA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with