MABUTI at tinuloy ng PNP ang pagsampa ng kaso laban kay Drew Olivar, ang pro-Duterte blogger na naglabas ng babala sa social media tungkol sa umano’y planong pagbomba sa mga rallyista noong anibersaryo ng martial law. Kinumpara pa sa pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971. Malinaw na pananakot lang ang hangarin at hindi babala. Inamin pa niya umano na peke ang impormasyon pero inilagay pa rin sa social media.
Sana nga ay may kahihinatnan ang insidenteng ito. Sana ay makatanggap si Olivar ng nararapat na parusa para sa kanyang ginawa, kung mahatulang may sala. Hindi tama ang magkalat ng maling impormasyon, anuman iyon. Mas masama kung ganito nga at pagbobomba sa grupo na gumagawa naman ng maayos na kilos-protesta. Sana magsilbing leksyon sa lahat. Dahil lang ba sa pulitika, kaya naglabas ng mali at masamang impormasyon? Dapat mas “politically mature” na tayo. Hindi komo iba ang pulitika, ay dapat nang manakot.
Marami pa nga diyan ang nagkakalat ng maling impormasyon, nagbabanta, naninindak, nananawagan ng masasamang gawain o krimen pa nga laban sa ilang tao. Lahat iyan ay paglalabag Cybercrime Prevention Act of 2012. Kung maipapaalam sa mga awtoridad, mas mabuti. Ang “freedom of expression” ay may hangganan din, lalo nasa internet. Hindi lahat ay puwede na lang sabihin sa internet.
Kailangan talaga magamit ang social media sa tama at magandang paraan. Iba na ngayon. Napakadali at napakabilis magkalat ng impormasyon, tama man o hindi, totoo man o hindi. Mabuti at may batas na Presidential Decree 1727 or the Malicious Dissemination of False Information or the Willful Making of any Threat Concerning Bombs, Explosives, at Republic Act 10175 or the Cybercrime Prevention Act of 2012. Kailangan talaga ng batas kung saan saklaw na ang mga masasama o kriminal na intensyon sa internet.