Matalas sa magkabila
PARA sa marami, mahirap tiisin ang alindog ng opisyal na government I.D. card. Marami sa ating mga kababayan ang hindi makapagprodyus ng sarili nilang I.D. kapag hinahanapan. Kung kaya ang balitang National I.D. system ay mainit na inaantabayanan at sinusuportahan ng mayorya.
Sana ay batid nila ang mga peligrong kasama sa sistema ng isang National I.D. Ang card na ma-issue sa iyo ay tanda lang ng iyong pagiging bahagi ng isang listahan o database ng mga mamamayang sakop ng sistema. Sa listahang ito o database ay nakasaad ang mga detalya tungkol sa iyo – pangalan, tangkad, timbang, asawa … kung tutuusin, maaring umabot sa napakakapal na dokumento ang datos na itatala tungkol sa kada tao. Maaring inosente ang ilang datos. Puwede ring mapanghimasok tulad ng ating medical records, mga number na tinatawagan at iba pang personal na bagay.
Marami na ring mga bansa ang sumubok sa paglalagay sa listahan o database ng impormasyon tungkol sa mga mamamayang pinaglilingkuran. Kung tutuusin, malaking ginhawa ito upang ang ahensiya ng pamahalaan ay makapagbigay ng benepisyo sa tamang nangangailangan; upang mairekord ang pagtanggap o paggamit mo ng nakalaang tulong at kung ano pang ibang pakinabang. Kritikal din ang sistema sa law enforcement – mas madaling matunton ang kriminal kapag namamanmanan ang kanyang mga pagkilos.
Sa kabila mga pakinabang, nariyan din ang peligro. Napakadali nitong magamit sa maling paraan. Nangyari na – maging sa mayayamang bansa – ang matukso ang namamalakad na gamitin ang mga listahan para pagkakitaan. Ibenta sa naghahanap ng impormasyon na maaring pagsamantalahan. Kung hindi man sadya, hindi rin mapipigil ang mga hahanap na makapasok at nakawin ang nilalaman. Hindi rin ligtas ang ating mga impormasyon kung ganon.
Ok ang may I.D. system subalit kung hindi masisiguro ang kaligtasan ng iyong mga personal na impormasyon mula sa kawatan o sa mismong pamahalaan na dapat sana ay puprotekta sa iyo, itong instrumento ng ginhawa ang lalabas pang pahirap sa lahat.
- Latest