Kung seniority, Carpio na bilang Chief Justice
SENIORITY ang dahilan sa pagtalaga ni President Duterte kay Teresita Leonardo de Castro bilang Chief Justice. Bagamat magreretiro na ito sa Okt. 8, hindi pabuya ng Malacañang ang paghirang dahil pinamunuan niya ang pagsibak sa kinasusuklaman nilang dating CJ Maria Lourdes Sereno. Inaasahan na miski sa loob ng iisa’t kalahating buwan lang ay mapasimulan ni De Castro ang reporma sa Hudikatura.
Seniority ang buod ng botong 8-6 ng Korte Suprema para alisin si Sereno nu’ng Hunyo. Baguhan lang siya sa Korte nang mag-apply bilang CJ nu’ng 2012. Hindi niya natupad ang pagsumite ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth ng nakaraang 10 taon sa gobyerno. Ganunpaman siya ang piniling CJ ng dating administrasyon. At dahil kapos sa seniority, mali-mali umano ang naging palakad nito.
Kung seniority ang usapan, ang pinaka-kuwalipikado ay si Senior Associate Justice Antonio Carpio. Taong 2001 pa siya sa Korte, hamak na lamang sa tenure kaysa kina CJ de Castro, at Justices Diosdado Peralta at Lucas Bersamin. Tatlong beses na ngang otomatikong ninomina si Carpio para CJ. Una nu’ng 2010 pero ang pinili ay ang mas bagong Renato Corona. Ikalawa nu’ng 2012, pero ang pinili ay ang bagitong Sereno. Ikatlo nitong Hunyo, kaya lang tinanggihan niya ang nominasyon. Sa usaping moral ang pagtanggi niya. Bumoto siya kontra sa pagtanggal kay Sereno. At bilang patotoo sa botong ‘yon, ayaw niyang makinabang sa pagtanggal ng mayorya kay Sereno. Mas ninais niyang maging totoo sa prinsipyo kaysa personal na ambisyon. Pangarap ninomang abogado na maging CJ -- ang rurok ng kanilang propesyon.
Nasubukan ang pagkatao ni Carpio. Isasailalim niya ang personal na interes para sa prinsipyo. Kailangan ng bansa ang gan’ung pinuno -- lalo na ngayong mabibigat ang mga pagsubok na hinaharap ng Pilipinas.
* * *
Makinig saSapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest