AYAW ng mga komunistang namumuno sa China ng anumang pulong-pulong ng mamamayan na hindi nila kontrolado. Samantala, matapos ang bugso nu’ng dekada 2000-2010, hindi na lumalaki ang simbahang Katoliko roon. Kaya, nag-uusap ngayon ang Beijing at Vatican kung paano maisusulong ang pakay ng magkabilang panig.
Nais ng Communist Party, na may hawak sa gobyerno, na mapasa-kamay ng Tsino ang pamunuan ng anuman sa limang kinikilalang relihiyon: Buddhism, Taoism, Islam, Protestant, at Katolisismo. Pinagsama sa Protestant ang Mainstream tulad ng Methodist at Baptist, at Evangelicals o Born-Again. Kung pagsasamahin ang mga Protestant at Katoliko, 350 milyon ang mga Kristiyano. May kani-kanilang headquarters sila sa Kanluran. Para sa mga Komunista, “cultural imperialism” ang pagsaklaw ng mga taga-labas sa mamamayan. Kaya sila ang nagtatalaga ng mga obispo, pari, at pastor. Kung ayaw ng mga mananampalataya, sinasara ang mga simbahan nila. Halos kalahati tuloy ng mga Kristiyano ay palihim kung magsimba, sa mga apartments. Inaaresto at kinukulong sila kung mahuli ng mga pulis.
Inabisuhan na umano ng Vatican ang dalawang “underground” na obispo na maghandang mapalitan ng dalawang “official” na tinalaga ng Komunista. Dati nang naupo ang dalawang obispo ng gobyerno, pero in-excommunicate sila ng Vatican nu’ng parusahan nila ang mga nagtakwil na mananampalataya. Ngayon tila sumusuko ang Vatican sa kagustuhan ng mga Komunista. Kasi kung hindi, lalansagin lang ng gobyerno ang mga “underground” na simbahan.
Maraming pumupuna sa pagsuko ng Vatican. Ipinapa-alala nila na, sa kasaysayan, lalong lumaganap ang Kristiyanismo nang ipagbawal ito ng mga Romano, pagano, at iba pa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).