‘20 years akong guro, ba’t tinatanggihan ako sa ibang trabaho?’
PATULOY ang pagdami ng mga taong dumarating sa aming Bitag Multimedia Action Center araw-araw. Isa sa mga nakipila nitong nakaraang linggo ay isang guro, edad 50. Higit-kumulang 20 taon siyang nakapagturo bilang elementary teacher. Maliban dito, naging private tutor din siya ng mga estudyante. Subalit napagdesisyunan niyang mag-switch ng career na at magtrabaho sa ibang larangan.
Nag-apply daw siya sa iba’t ibang malalaking kompanya gamit ang kanyang kasanayan at kaalaman bilang guro. Sinubukan niya rin sa call center at sa iba pang industriya kung saan magma-match ang qualifications. Ang masaklap, lahat ng kanyang inaplayan ay iisa ang reaksiyon at sinasabi. Nagtataka at nanghihinayang sa 20 taon na kanyang pagtuturo.
Sa anumang kadahilanan, naisipan niyang pumunta sa Bitag Action Center at personal na makipag-usap sa akin. Marahil napapanood niya ang iba’t ibang taong lumapit na sa amin na hindi naman talaga nanghihingi ng tulong kundi gusto lamang malinawan sa kanilang mga katanungan. Aniya, “Mr. Tulfo, napapagod na po ako. Lahat na lang nang inaplayan ko, nire-reject ako dahil sa edad ko raw. Di po ba age discrimination itong nangyayari sa akin?”
Praktikal ang sagot ko sa kanya, sabi ko, may karapatang mamili ng aplikante ang bawat kompanya sa kanilang job openings. Malaking konsiderasyon ang edad, maaaring ito ay papabor sa mga bata at di papabor sa mga may edad na. Sa lebel ng kanyang kaalaman at pagiging guro, ang aking sagot sa kanya “being a teacher is not just a job nor not just a profession, it’s a vocation, a way of life. Tumango siya sa aking sagot. Sinabi ko sa kanya na ang pagiging guro ay mas mahalaga kaysa mga posisyong inaaplayan niya. Pinaliwanag ko na lang na ang isang guro ay humuhubog sa susunod na henerasyon ng ating mga kabataan. Hindi mo malaman kung sino sa kanila ang magiging lider ng ating lipunan.
Ang iyong pagtuturo ay kaalamang ibinahagi mo sa mga kabataan na hindi nila malilimutan. It will create a big impact in their lives and eventually, will transform them to become a leader, you never know.Ang iba sa kanila, magbabalik-tanaw at pasalamat sa anumang kasanayan na naibahagi mo. Dito na nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha. Ibinahagi ko rin sa kanya na ako mismo ay natatandaan ko pa ang lahat ng aking mga guro mula sa elementarya, high school at kolehiyo. Payo ko, bumalik na lang siya sa pagtuturo dahil mas kailangan siya sa bokasyon na kaniyang tinalikuran. Napaisip siya ng husto, tumatango ng tumatango, senyales na meron siyang napagtanto. Dito sinabi niya, salamat Mr. Tulfo, gagawin ko po.
Ang aking pakikinig sa sinumang lumalapit sa aming tanggapan, edukado man, katamtaman o salat sa kaalaman ay bahagi ng aming serbisyo publiko.
- Latest