ILANG insidente na ng election related killings ang nangyari sa nakalipas na mga araw sa iba’t ibang panig ng bansa na may kaugnayan sa barangay elections sa Mayo 14. Kung iisipin, ang barangay ay malaki-laki lang ng kaunti sa homeowners association at hindi dapat mabahiran ng politika.
Nilikha ito noong panahon ni Presidente Marcos para magkaroon ng kaayusan sa iba’t ibang komunidad, at yung mga magkakapitbahay na may alitan ay pagkasunduin hangga’t maaari imbes na magdemandahan sa korte. Yung mga mumunting bagay tulad ng kalinisan sa kapaligiran ay sakop ng simpleng gawain ng barangay. Iyan ay noong araw pero hindi na ngayon.
Sa paglipas ng maraming taon, naging impluwensyal na political machinery ang mga barangay na pinag-aagawan ng mga pulitikong tumatakbo sa matataas na posisyon sa pambansa o local na pamahalaan.
Kaya pinaalalahanan ng COMELEC ang mga pulitiko na huwag makialam sa Barangay at Sangguniang Kabataang Election sa Mayo 14. Ani Comelec Spokesperson James Jimenez ang Barangay at SK election ay dapat na para lamang sa mga komunidad. Hindi na dapat aniyang sumawsaw pa ang mga pulitiko dahil ang naturang halalan ay pangkumunidad lamang.
Tama ang COMELEC. Dapat nang itigil ng mga kumakandidato sa barangay ang paggamit sa pangalan ng isang kilalang pulitiko para magkaroon ng political mileage. Pero mukhang hindi maiiwasan talaga ang pagmanipula ng mga pulitiko sa mga barangay dahil napapakinabangan ang mga ito sa pagkuha ng mga boto. Palibhasa, impluwensyal ang mga leader ng barangay sa mga taong kanilang nasasakupan. Kapag ang barangay ay malakas sa local na pamahalaan, mabilis makakuha ng pondo para sa proyekto sa komunidad. Okay lang iyan pero kung minsan, nagagamit din ang impluwensya ng ilang opisyal sa mga illegal na gawain tulad ng pangangalakal ng droga. Iyan ang bagay na dapat gawing sukatan ng mga manghahalal sa darating na eleksyon. Huwag iboto ang mga kilalang protector ng droga.