EDITORYAL - Hindi na natuto sa mga nangyaring scam
KAHIT marami nang nangyaring investment o pyramiding scam, marami pa rin ang nahihikayat dito at nalilinlang. Hindi pa rin sila nagkaroon ng aral. Kahit sandamakmak na ang mga pangyayari na itinakbo ang pera ng investors, marami pa rin ang walang kadala-dala at patuloy na nagtitiwala sa mga matatamis magsalita. Ang resulta, nakanganga sila lahat sapagkat hindi na maibalik ang kanilang pinaghirapang pera.
Katulad ng nangyari sa 48 biktima na nahikayat ng mag-asawa na sumali sa kanilang online business kung saan kikita nang malaki ang kanilang pera. Sa dakong huli, nabiktima sila ng mag-asawa makaraang makadekwat ng P900 milyon sa kanila. Pero naaresto ang mag-asawang scammers at ngayon ay nakakulong na sa Camp Crame at sasampahan na ng swindling, estafa at syndicated estafa.
Ayon sa mga nagoyong investors, hinikayat sila ng mag-asawang Arnel at Leonady Ordonio na mag-invest sa kanilang online business at pinangakuan ng 30 percent return sa loob ng 15 araw. Ayon sa mga nag-invest nakatanggap naman sila sa unang buwan ng interest sa kanilang pera. Kaya marami ang naengganyo na mag-invest uli at nag-recruit pa sila ng ibang investors. Isang mag-asawa ang nag-invest ng P29 milyon noong Nobyembre 2017. Mayroong mag-asawa na nag-invest ng P4 milyon mula sa kanilang retirement. Hanggang sa hindi na umano makapagbigay ng interest ang mag-asawang Ordonio.
Nahuli ang mag-asawa sa Ilocos Sur makaraang magsumbong ang investors sa Volunteer Against Crime and Corruptions (VACC). Nahuli sila sa entrapment operation.
Noong 2013, P12-bilyon ang natangay ng Aman Futures Group Philippines sa kanilang 15,000 investors. Ang founder ng Aman ay si Manuel Amalilio. Tumakas si Amalilio at nagtungo sa Malaysia.
Ang mga investors ng Aman ay kinabilangan ng mga teacher, pulis, sundalo, tindera, vendor, laborer at iba pa. Mayroong retired teacher na nagpakamatay sa sama ng loob dahil ang kanyang buong retirement money ay ini-invest sa Aman.
Marami pa rin ang nalilinlang kahit may nangyari nang lokohan. Naghahangad kasi nang malaking interes. Natakawan sila sa laki ng interes kaya nilakihan pa ang invest. Huli na ang lahat bago nakapag-isip-isip.
- Latest