Sa Pilipinas pa rin lang
HINDI makapaniwala si Sen. Panfilo Lacson na isinasangkot sa katiwalian si dating Pres. Noynoy Aquino, hinggil sa kontrobersiya ng Dengvaxia. Ayon sa inilabas na ulat ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan si Sen. Dick Gordon ang chairman, sina Aquino, dating Budget Sec. Butch Abad at dating DOH Sec. Janet Garin ang mga nasa likod ng pumalpak na vaccination program at kailangang managot. Batay sa kanyang pagkakilala kay Aquino, hindi siya naniniwala na may kakayanang gumawa ng nakasaad sa ulat ng komite.
Hindi rin naniniwala si Sen. JV Ejercito na dapat managot si Aquino hinggil sa kontrobersya ng Dengvaxia. Naniniwala si Ejercito na naging pabaya lang sa pag-apruba sa paggamit ng Dengvaxia sa higit 800,000 mga bata. Sina Abad at Garin lang daw ang dapat managot sa kontrobersya, partikular sa bilis ng paglabas ng pondo, at sa bilis ng pagbigay sa mga bata kahit may mga babalang inangat.
Pero alam ko na may mga grupo at tao na gigil na gigil sa pagsampa ng kaso laban kay Aquino at kung sino pa ang kanyang mga kaalyado hinggil sa Dengvaxia. Hanggang ngayon, wala pang ibang bansa ang naglunsad ng imbestigasyon sa Dengvaxia, tulad ng nagaganap sa Pilipinas. Walang ibang bansa ang nagpatigil sa pagbenta sa Dengvaxia, dahil may problema o masamang epekto sa tao. Kung may dapat managot, ito ang Sanofi Pasteur, na huli nang maglabas ng babala ng epekto ng kanilang bakuna at dengue. Pero kung tunay na masama ang Dengvaxia, hindi ba mas marami na dapat ang naapektuhan, pati na rin sa ibang bansa?
Sa ngayon ay hindi pa rin matiyak kung ang ikinamatay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia ay dahil mismo sa bakuna. Ang ilang batang namatay at pinaimbestigahan ang dahilan ay namatay dahil sa ibang sakit o kundisyon, na walang kinalaman sa Dengvaxia. Hindi pa tapos ang pag-iimbestiga ng DOH, na naka-sentro sa ilang batang namatay dahil sa dengue. Kung tuluyang makakasuhan sina Aquino, Abad at Garin, baka doon na lang nga sa korte makakapagpaliwanag.
- Latest