DUMATING sa bansa ang mga barkong pandigma ng United States, Japan at Australia ngayong linggo. Ang USS Theodore Roosevelt ay dumating sa Maynila noong Miyerkules habang ang mga barkong pandigma ng Australia at Japan ay tumuloy sa Subic noong Huwebes at Biyernes. Ang mga dalaw na ito ay nagaganap sa kabila ng pagpunta ni Pres. Rodrigo Duterte sa China.
Kailan lang ay ang Hukbong Karagatan naman ng China ang tila nagpakitang-lakas sa karagatan. Lumayag ang kaisa-isa nilang aircraft carrier, ang Lioaning, kasabay ang ilang barkong pandigma. Lumayag pa nga malapit sa Taiwan. Mistulang nagpopormahan ang dalawang malakas na hukbong karagatan ng US at China, pero wala pa namang insidente na nagharapan ang mga ito. Sinisigurado lang daw ng US na malaya ang paglayag at paglipad sa mga itinuturing na “international airspace at sea lanes”. Ang tingin naman ng China ay mga seryosong pagpupukaw ito sa kanilang soberenya. Tandaan na ayon sa China, sa kanila ang halos buong karagatan.
Ayon sa mga US official, ang hinala nila ay naglagay ng radar jamming system sa Mischief Reef, kontra sa pahayag ng China na hindi pangmilitar ang gamit ng mga nilikhang isla. Walang gamit ang radar jamming kundi pang-militar. Ang Mischief Reef din ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, na tila hindi na iginagalang at hindi rin natin mapatupad.
Hindi tinalakay ni Duterte kay Chinese President Xi Jinping ang mga isyu sa karagatan. Panay puri lang ang bukambibig ni Duterte sa China. Bilyong dolyar naman ang ipinangako ng China na tulong at pamumuhunan sa reklamasyon ng lupa, enerhiya, agrikultura, turismo, parmasyutiko, at konstruksyon. Hindi ko lang alam kung kailan papasok ang lahat ng ipinangakong iyan para sa mga proyektong nabanggit. Kaya hindi tinatalakay ang mga isyu sa South China Sea.