Pagkain para sa puso
AYON sa American Heart Association, para mapangalagaan ang puso, kumain ng mapupulang pagkain. Ano ang mga ito?
1. Pulang ubas – Ang pulang ubas ay may taglay na flavonoids, quercetin, at resveratrol (nasa balat ng pulang ubas). Ayon sa pagsusuri, ang ubas ay nagpapataas ng ating good cholesterol. Pinipigilan din nito ang pagbuo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat. Ayon sa mga eksperto, mas masustansya ang pula o itim na ubas kumpara sa puti o berdeng ubas. Ang pulang ubas ay napag-alaman ding may panlaban sa virus at sa bacteria. Huwag lang kumain ng sobrang dami dahil ito’y nakatataba rin.
2. Pulang mansanas – Ang red apples ay mataas sa quercetins. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong kumakain ng “one apple a day” ay mas nakaiiwas sa kanser sa baga at sa Alzheimer’s disease. Ang balat ng mansanas ay may pectin, na nagpapababa rin ng lebel ng bad cholesterol (LDL cholesterol) ng 16% kaya mabuti ito sa ating puso.
3. Red wine – Ang red wine ay gawa sa ubas at may taglay na resveratrol. Ang resveratrol ay napatunayan sa laboratoryo na nagpapahaba ng buhay ng mga daga at nakaiiwas din sa kanser. Pinapataas ng resveratrol ang good cholesterol at pinapababa ang bad cholesterol. Hinay-hinay lang sa pag-inom ng alak. Ang mga lalaki ay puwedeng uminom ng 2 maliit na baso at ang mga babae naman ay puwedeng uminom ng 1 maliit na baso bawat araw. Dahil mas payat sila, mas madali malasing ang mga babae kumpara sa mga lalaki.
4. Strawberries – Ang strawberries ay may taglay na ellagic acid at polyphenols, na nagpro-protekta laban sa kanser. Mataas din ang strawberries sa anti-oxidants, vitamin B at C, at potassium na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.
5. Kamatis, tomato sauce at ketsap – Ang kamatis ay mayaman sa anti-oxidants tulad ng lycopene at beta-carotene. Ang lycopene ay isa sa pinakamalakas na anti-oxidant. Maraming pagsusuri ang nagpapatunay na ang pagkain ng kamatis, tomato sauce o ketsap ay nagpapababa ng tsansang magkaroon ng sakit sa puso, prostate cancer, at kanser sa bituka. Para lumabas ang lycopene sa kamatis, lutuin ang kamatis na may kaunting mantika. Ayon sa mga eksperto, kailangan nating kumain ng 10 kutsara o 150 cc ng tomato sauce bawat linggo.
6. Pulang pakwan – Ayon sa U.S. Department of Agriculture, ang pakwan ay may benepisyo sa ating puso at ugat. Napatunayan na pinapataas ng pakwan ang lebel ng arginine sa ating katawan. Ang arginine ay na-co-convert sa nitric oxide, isang kemikal na nagpaparelaks at nagpapabuka ng ating ugat. Dahil dito, makatutulong ito sa pag-iwas sa stroke at heart attack. Ang pulang pakwan ay may taglay na lycopene na nagpapabagal sa ating pag-edad. Konting kaalaman: Ang dilaw na pakwan ay may lutein na mabuti naman sa ating mata.
Kaya kung gusto ninyong maging healthy ang inyong puso, kumain ng “red foods for the heart.”
- Latest