MATAPOS ang ilang linggong haka-haka, nalaman din ng lipunan na ang Administrador pala ng Maritime Industry Authority (MARINA) na si Marcial Amaro III ang siyang tinutukoy ng Palasyo na tatanggaling opisyal. Ang dinahilan ng Malacañang ay ang dami ng isinagawang biyahe ni Administrator Amaro. Noong 2016 ay anim ang kanyang foreign trips. Ito nong 2017 ay 18 ang kanyang binisitang lugar.
Mga opisyal na biyahe (maliban sa isa) ang isinagawa ni Administrador Amaro. Siyempre, kapag official trip, may honoraria ring kasama. Kahit pa ba, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat sana’y iwasan ng mga opisyal ang sobra-sobrang biyahe. Higit silang kailangan ng kanilang katungkulan dito sa Pilipinas.
Nauna nang pinatalsik ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang Chairman ng Presidential Commission on Urban Poor na si dating Congressman Terry Ridon dahil din sa sobrang bilang ng kanyang biyahe. Ito rin ang dinahilan sa pagtanggal kay Dangerous Drugs Board Chair Dionisio Santiago at pati na rin sa head ng Development Academy of the Philippines na si Elba Cruz.
Seryoso ang Pangulo sa pagkwidaw sa kanyang mga tao na huwag magpariwara sa biyahe. Bago pa man inanunsyo ang pagtanggal kay Amaro ay naglabas na ng Memorandum ang tanggapan ng Executive Secretary na pinangangatawanan ang paghigpit sa biyaheng panlabas. Susuriin nang husto kung ang pakay ng biyahe ay napapaloob sa mando ng tanggapan; sisiguruhin na ang gagastusin ay hindi kalabisan; at hahanapin kung ano ang benepisyong hatid ng gagastusing oras, halaga at pawis sa biyahe.
Mula pa sa umpisa ay hindi itinago ng Pangulo ang kanyang pagkasuklam sa anumang pagmamalabis sa kapangyarihan at pagwaldas ng mga lingkod bayan sa ating kabang yaman. Isa na marahil si PRRD sa pinaka-simpleng Pangulong naupo sa Malacañang.
Pawang mga sarili niyang ipinuwesto sa kapangyarihan ang ngayoy biktima ng sarili nilang pagmamalabis. Malinaw na hindi nagawang sumunod ang mga ito sa magandang halimbawa ng kanilang amo. Tama lang na sampolan sila ng Pangulo nang maidiin sa lipunan ang patuloy niyang sinserong intensyon.
Binabati ko ang lahat ng masugid na tumataguyod sa aking column ng isang masaya at produktibong Bagong Taon!