P20-M inilagay ni Don Ramon sa Calabarzon police officer
TAKOT na takot ang mga hepe ng pulisya sa mga siyudad at bayan na may STL-teng ng gambling lord na si Don Ramon dahil isang kumpas lang nito, tanggal sila. Ipinagmamalaki ni Don Ramon na hawak niya sa leeg ang mga amo ng mga hepe ng pulisya at ang katibayan ay ang pagsibak ng ilan sa kanila nitong nagdaang mga buwan dahil umano sa hindi pagkilos vs illegal gambling. Kaya kahit takot sila kay Don Ramon may galit din sa kanya ang ibang hepe at nagbabanta pa na gaganti na lang sila kapag nasa puwesto na sila at retirado na ang mga amo nila. May katwiran ang mga hepe ng pulisya di ba mga suki?
Kaya naman panay raid ang inabot nitong STL-teng ni Don Ramon sa Laguna dahil minenos niya ang mga hepe ng pulisya at minsan tablado pa sila. Siyempre, dahil gambling lord siya at malakas sa mga pulitiko, aba hindi na pinansin ni Don Ramon ang pobreng mga hepe ng pulisya kaya galit sa kanya. Hehehe! Pasasaan ba’t luluhod din si Don Ramon kapag naging heneral na ang mga hepe ng pulisya, di ba mga suki? Ipinamalita ni Don Ramon na kaya niyang magpa-relieve ng police chief ng siyudad at bayan sa Laguna dahil naglagay siya ng P20 milyon sa isang intelligence officer ng Calabarzon police.
Siyempre, deny to death naman si Calabarzon police director Chief Supt. Mao Aplasca sa P20 milyon na lagay dahil kilala naman sa larangan ng illegal gambling na kuripot si Don Ramon dahil sa katunayan minsan naa-ambush pa siya dahil sa kakuriputan niya. Tuso si Don Ramon at hindi na ito bibitaw ng milyones niya para lang ma-relieve ang mga hepe ng pulisya. Maging sa Quezon Province, bantog si Don Ramon sa katusuhan, di ba Boyet Kalabaw Sir?
Para mapatunayan na hindi talaga tumanggap ang intel officer niya ng suhol mula kay Don Ramon, dapat sigurong suyurin ni Aplasca ang naglilipanang peryahan nina Baby Panganiban, Tessie Rosales at alyas Jessica sa hurisdiksiyon niya. Kaya dapat na isama na niya sa paghahanap itong si Super Mario na nangongolekta ng tara sa mga ilegalista para sa mga media kuno. Mukhang mapapadali ang pagtuloy sa mga puwesto ng mga ilegalista kung malambat at mahubaran ng mascara si Super Mario.
Ipinagmamalaki nina Panganiban, Rosales at Jessica ang relasyon nila sa isang alyas Florence, na kolektor ng CIDG at Calabarzon police. Huwag nang magtaka kung dumami ang droga at krimen sa Calabarzon dahil sa naglipanang color games at drop balls sa peryahan nina Panganiban, Rosales at Jessica. Hindi lang ‘yan. Puksain din ni Aplasca ang saklaan nina Amy sa Imus; Randy sa Dasmariñas; Louie sa Silang; Joseph sa Amadeo; Dodie sa Mendez; Lito sa Alfonso; Aileen sa Rosario; Aileen sa Noveleta; Bonie sa Kawit; Rogie sa Indang at Juliet sa Magallanes. Kapag napasara ni Aplasca ang mga pasugalan sa area n’ya magsisilbi itong ebidensiya na hindi pera-pera ang lakad ng intel officer niya. Abangan!
- Latest