Isinilang nang caesarean mas sakitin, tabain?
DATI nang alam ng mga dalubhasa na ang pagiging ma-allergy at tabain ay may kinalaman sa mga uri ng bacteria sa bituka ng tao. Pero ngayon napansin din na ang mga ‘yon ay maaring dahil sa pagsilang nang normal o caesarean section.
Isa sa bawat sampung sanggol ay kinakailangan i-caesarean dahil sa mga komplikasyon sa pagluwal. Nauuso rin ang caesarean lalo na sa Italy, Brazil, at Iran. Mabigat ‘yon sa katawan -- at sa bulsa -- ng buntis. Pero ayon sa saliksik may isa pang rason para iwasan ang caesarean: hindi raw kasi nakukuha ng sanggol ang mga bacteria mula sa puwerta ng ina kapag normal ang pagluwal. Namumugad ang mga bacteria na ito sa bituka ng mga isinilang nang normal, at nakakapagpatatag ng kanilang kalusugan. Napansin ang tatlong kondisyon sa mga caesarean-born. Una, sablay ang naturalesa ng immune system nila sa ilang protina, tulad ng sa mani, kaya nagkakaroon ng malalang allergies doon. Ikalawa, inaatake ng sariling autoimmune systems ang iba pang organs at cells sa katawan nila, tulad ng sa Type-1 diabetes. Ikatlo, mas tabain sila. Inilathala ito sa “Science Advances” ni Maria Dominguez-Bello ng New York University.
Marami nang naunang saliksik ang nagpatunay na ang obesity ay konektado sa kakulangan o kalabisan ng ilang uri ng bacteria sa bituka. Kaya tuloy tiningnan ni Dominguez-Bello ang sitwasyon sa pagsisilang. Sinuri niya kung hindi nagkaka-engkuwentro ang sanggol at mga bacteria sa puwerta, o kaya kung napapatay ang mga huli ng antibiotics sa panganganak. Napatunayan ang teyorya sa eksperimento sa mga daga.
Kaya payo ngayon ng doktora tuwing caesarean section, i-cotton swab ang puwerta ng ina at ipahid sa pisngi ng sanggol, at mag-abang nang ilang sandali para kumubli ang mga bacteria sa bituka nito. Totoo!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest