Presyo ng medisina dapat bantayan

DAPAT talagang bantayan ng gobyerno ang pagpapa­natiling abot-kaya ang halaga ng mga gamot sa mga mahihirap na taumbayan. Sa ikalawang pagpupulong ng oversight committees ng kalakalan at industriya ng  Kamara de Representante at Senado, muling tinalakay ang panukala hinggil sa paglikha ng drug price regulatory board. Tulad ito ng Energy Regulatory Board na ang layunin ay pigilan hangga’t maaari ang pagtaas sa presyo ng petrolyo na isang basic need ng mga mamamayan. Kasi, lubhang mahalaga ang mga isyung pangkalu­sugan na nakakaapekto sa mga mamamayan.

Ayon kay Iloilo 4th district Iloilo Rep. Ferjenel Biron, batid ni Presidente Duterte ang pangangailangan sa paglikha ng board para maibaba ang mga presyo ng gamot sa bansa sa kapakanan hindi lamang ng mga seniors kundi ng mga mahihirap. Ani Biron na siyang chairman ng komite ng kalakalan at industriya, isinusulong ng Kongreso ang   house bill no. 3252 na kanyang inakda na layong susugan ang RA 9502, o “universal and qua­lity medicines act ng 2008” na bubuo sa drug price regulatory board.

Totoo namang napakamahal ng presyo ng gamot at hindi kaya ng maraming mararalitang kababayan natin. Ani Biron, ito ang dahilan kung bakit tuloy-tuloy na ang magkasamang pagdinig ng oversight committees ng dalawang kamara ng Kongreso para madinig ang mga panu­kala, kontribusyon at puna ng iba’t ibang sektor para sa pagpasa ng hakbangin bago pa matapos ang taon.

“Bukod sa mga pharmaceutical companies lahat naman ng mga ahesya ng pamahalaan at non-government organizations na inimbitahang  magbigay ng posisyon sa pagdinig ay pabor sa paglikha ng drug price regulatory board” Dagdag ni Rep. Biron.

Balita ko, ipatutupad na ng Department of Health ang phase 2 ng maximum drug price, na talaan ng mga gamot na dapat ipailalim sa drug price mandatory regulation habang hinihintay  ang paglikha ng board. May isa pang itinakdang pagdinig  upang pakinggan ang iba pang mga suhestyon para gawin pang mas epektibo ang batas. Sana, mabuo na ang panukalang ito at maipatupad sa lalung madaling panahon.

Show comments