Walang kahihinatnan
KARANIWAN na sa mga Sanggunian ang maging tensiyonado ang relasyon ng mga miyembro. Nilalarawan lamang ng isang Sanggunian ang iba’t ibang posisyon at paniwala ng mas malaking lipunang kinakatawan. Hindi lagi magtutugma. Bagkus ay mas madalas na babangga.
Ganito talaga sa demokratikong pamamahala. Ang pasya ng nakararami ang magwawagi. At matutukoy lamang ito matapos pakinggan ang lahat, kasunod ng matinding debate at pagsusuri. Ang ekspektasyon sa mga miyembro nito ay ang maging kagalang-galang – garantiya sana ito na ang ano mang isyu ay makukuha sa magandang usapan. Subalit hindi talaga maiiwasan na magkainitan. Bilang mga emosyonal na nilalang, good luck kung makapagtimpi kapag tumitindi na ang asaran.
Kung kaya sa halos lahat ng Batasan sa mundo, may masasaksihang suntukan, kuwelyuhan, sigawan at hamunan. Madalas, nasasaksihan natin ito dati sa mga Batasan ng Hong Kong, Japan at mga Eastern European Countries. Dito sa atin, kampante tayo na kahit papaano ay nananaig pa rin ang respeto at kortesiya sa ating mga Sanggunian.
Subalit mukhang pati ang magandang asal na ito ay apektado na rin ng pagbabagong dala ng bagong pamamahala. Sa House of Representatives, hindi katagalan mula nang pagbukas ng sesyon, naging testigo ang bansa nang muntik nang magsuntukan ang dalawang kongresista mula sa Surigao, sina Cong. Ace Barbers at Butch Pichay. At sa Senado, ito lang linggong ito, nagpakatotoo na rin sina Sen. Sonny Trillanes at Migs Zubiri na nagkagirian din na parang naubusan ng kahihiyan.
Anuman ang pinag-aawayan ng ating dapat sana’y kagalang-galang na opisyal, mas maganda talaga kapag ito’y daanin sa mahinahon at mapayapang usapan. Kapag sumuko sila sa emosyon, wala nang kahihinatnan. Imbes na maging epektibong mga tinig, sila’y nagiging larawan ng kung ano ang pinakapangit sa lipunan.
Tuwing nangyayari ito, humihina ang demokrasya dahil naglalaho at natitibag ang tiwala ng tao sa kanilang mga institusyon. At, imbes na maging halimbawang dapat tularan, sila’y nagiging bad example na dapat iwasan.
- Latest