HINDI pa man natatapos ang buwan, dalawampu’t isa na ang naitala ng DOH na naputukan. Puwede po bang pakitanuran ng mga awtoridad ang mga inismagel na rebentador na napakamapanganib?
May dalawang rason kung bakit dapat puksain ang smuggling ng mga rebentador tulad ng galing sa China: Napakamapanganib nito sa mga gumagamit at; nakakaapekto sa local na industriya ng rebentador.
Nanawagan si Philippine Fireworks Association (PFA) President Joven Ong sa madla na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagsugpo sa problema. Hiniling din ng asosasyon sa Philippine National Police ang mahigpit na panghuhuli sa mga nagbebenta ng puslit na paputok na mula saTsina.
Kaya tinututukan ng mga awtoridad ang Divisoria na umano’y pinagmumulan ng ilegal na paputok. Sa nakalipas na panahon ay problema na iyang mga illegal na fireworks. Nakikiusap ang mga nasa fireworks industry kay Local Government Secretary Ismael Mike Sueno, magpalabas ng memorandum sa pagbibigay ng business permit sa mga gustong magbenta ng pailaw nang legal.
Okay din na pagyamanin ng pamahalaan ang industriyang ito at mapailalim sa government supervision para ang mga produkto ay tiyaking ligtas. May ibang munisipyo na ayaw magbigay ng permiso sa mga legal na operasyon, pero nakalulusot naman ang bentahan ng mga illegal.
Nagpalabas ang PFA ng safety guidelines para sa wastong paggamit ng paputok at pailaw.
1. Huwag gumamit ng mga bawal na paputok tulad ng smuggled na Piccolo na siyang sanhi ng 57% ng mga nasasaktan; 2. Bumili lang ng mga produktong may PS Mark upang makasiguro sa kalidad; 3. Sa mga magulang, huwag pabayaang gumamit ang mga bata ng mga firecrackers; 4. Basahing mabuti ang instructions sa wastong paggamit ng mga paputok at pailaw; 5. Linisin ang kapaligiran pagkatapos gumamit ng mga paputok at pailaw.”