NAGDESISYON na ang Kataas-taasang Hukuman ukol sa paglilibing kay dating President Ferdinand Marcos. Siyam na mahistrado ang bumoto ng “yes” para mailibing si Marcos at lima naman ang bumoto ng “no”. Isang mahistrado ang nag-abstain. Ayon sa Supreme Court, si Marcos ay dating presidente, commander-in-chief, sundalo at beterano ng digmaan at ang kanyang pagkakapatalsik sa puwesto noong 1986 ay hindi dapat maging dahilan para pagkaitan siyang mailibing sa Libingan ng mga Bayani.
Sinabi rin sa desisyon ng SC na hindi umabuso si President Rodrigo Duterte nang payagan niyang mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig. Dinismis na ng SC ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng pagpayag ni Duterte noong nakaraang Agosto na mailibing si Marcos. Inalis na ng SC ang kautusan na unang inisyu na pansamantalang nagbabawal sa paglilibing kay Marcos noong Setyembre. Sa desisyon, binibigyan na ng go-signal para mailibing si Marcos sa Libingan.
Sa panig naman ng mga kumontrang mahistrado, sinabi nila na hindi bayani si Marcos kaya hindi nararapat malibing sa Libingan ng mga Bayani. Ang pagkakapatalsik kay Marcos bilang Presidente ay isang malaking dahilan para hindi rin mahimlay doon.
Maraming bumatikos sa desisyon ng SC. Nagbanta ang mga anti-Marcos groups na hindi pa tapos ang laban nila at pipigilin ang paglilibing. Hindi raw makakapigil ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman. Pero tila mawawalan na ng saysay ang pagtutol sapagkat si Duterte mismo ay nagsabing hindi makakapigil ang mga gagawing protesta sa paglilibing. Ayon pa sa report, dadalo si Duterte sa paglilibing kay Marcos. Wala pang itinakdang petsa ang pamilya ni Marcos.
Wala na ngang makapipigil pa kaya dapat nang tanggapin ang desisyon ng SC. Mas maganda naman kung palitan na ang pangalan ng Libingan ng mga Bayani at gawing Libingan ng mga Sundalo at Presidente. Isa kasi sa isinisigaw ng mga tutol ay hindi naman bayani si Marcos kaya hindi ito dapat ilibing sa nasabing libingan.