Hindi biro ang magbiro
HINDI ko alam kung bakit may mga nagbibiro tungkol sa bomba. At sa lahat pa nang lugar, malapit sa NAIA pa. Hinuli ng PNP-AVSEGROUP si Marlon Soriano pagkatapos magbigkas na “may bomba diyan”, habang iniinspeksyon ang minamaneho niyang delivery van. Hinabol siya ng mga security at sinabing lumabag siya sa batas. Kakasuhan siya dahil “ignorance of the law is not an excuse”. Hindi dahilan ang “nagbibiro lang ako”.
Sa Davao City mismo, dalawang babae ang inaresto dahil rin sa pagbibiro tungkol sa bomba. Ano ang inisip ng mga ito? Hindi ba sa Davao nga naganap ang madugong pagbomba? May bomba raw ang kanilang bag habang iniispeksyon sa mga mall. Hindi ito ikinatuwa ng mga guwardiya kaya agad nagtawag ng tulong. Arestado rin ang isang lalaki, sa Davao City rin, nang magbiro tungkol sa bomba habang papasok sa isang tindahan. Baka akala nila dahil taga-Davao sila ay hindi sila huhulihin? Maaaring makulong ng limang taon, at mamultahan ng P40,000 ang mga makakasuhan. Mabigat na pagbabayaran para sa isang “biro”.
Ilang paaralan sa Davao City, pati na rin sa Metro Manila ang nakatanggap ng mga bomb threat. Mabuti na lang at mga pekeng banta ito. Pero lahat ng mga banta na iyan ay kailangang seryosohin. Hindi rin nakakatulong ang pagkalat ng mga bomb threat sa pamamagitan ng text o social media, kaya iwasan ding gawin ito. Naka “state of emergency” ang bansa, kaya hindi talaga nakakatuwa ang mga ganyang pagbibiro.
Maaaring mabigat ang batas na ito, lalo na kung nagbibiro lang naman talaga ang nagbigkas. Pero ito ang batas, na dapat ipatupad. Lalo pa ngayon, sa kabila ng pagbomba sa Davao night market kung saan 14 ang namatay at higit 60 ang nasaktan. Nasa “state of emergency” ang bansa. Mas mahigpit ngayon ang seguridad sa mga paliparan, terminal ng bus at pantalan, pati na rin sa mga publikong lugar tulad ng mga mall at pasyalan. Kaya wala talagang dahilan magbiro nang ganyan. Si Pres. Rodrigo Duterte lang naman ang pwedeng magbiro, kahit ang tingin nang marami ay seryoso siya.
- Latest