EDITORYAL - ‘Tokhang’ umubra kaya sa mayayaman?
MULA nang mag-umpisa ang “Oplan Tokhang” (katok-hangyo) ng Philippine National Police (PNP) wala pang nababalitang mayayaman na drug addict na nang-agaw ng baril ng pulis kaya pinaputukan at dedo. Wala rin namang mayayaman na nakitang nakabulagta at may nakasabit na card board sa leeg at may nakasulat na “pusher ako, huwag tularan”. At lalong wala ring mayayamang addict na sumuko sa pulisya.
Ang mga addict na nang-agaw ng baril o kaya naman ay natagpuang nakahandusay ay pawang mga small time at nabibilang sa mga mahihirap sa lipunan. Sila yung mga nakatira sa squatters area, ilalim ng mga tulay at sa mga pampang ng estero.
Balak ng PNP na pasukin ang mga mayayamang subdibisyon o villages para sa kampanyang “Oplan Tokhang’’. Pero bago pa man nila maisagawa ang kanilang pinaigting na kampanya laban sa illegal na droga, mayroon agad mga tutol. Hindi raw maaari. Kabilang umano sa mga mayayamang villages na tutol sa “Oplan Tokhang” ay nasa Makati City, Parañaque City at Muntinlupa City.
Hindi raw payag ang mga namumuno sa mayayamang villages na magkaroon ng “Oplan Tokhang” sapagkat nangangamba sila na baka “mataniman sila ng ebidenisya”. Kailangan din daw na may kaukulang “search warrant” ang mga pulis.
Kahit na umano ipinaliwanag ng mga pulis na kakatok lamang ang mga pulis sa gate ng mga bahay ng mayayaman at saka magbibigay ng leaflets kaugnay ng kampanya sa illegal drugs. Hindi raw papasok sa bahay ang mga pulis. Ang kanila raw pamamahagi ng mga polyetos para sa mga residente ay bilang bahagi ng kampanya para matiyak na “drug free” ang komunidad.
Nararapat namang makiisa ang mga residente ng mayayamang subdibisyon sa kampanya ng PNP. Paano malulutas ang problema sa droga kung hindi makikiisa? Hindi naman lingid na may mga bahay sa mayayamang villages na nirerentahan ng drug syndicate para doon mag-manufacture ng shabu. Ilang paupahang bahay ng mga mayayaman ang nadiskubre na “shabu factory’’.
- Latest