MUKHANG palaban na ang paninindigan ni Presidente Duterte hinggil sa suliranin sa West Philippine Sea (o South China Sea) ang pag-uusapan. Nakakakilabot dahil sabi nga ni dating Presidente Noynoy noon, kahit pitikan ng ilong ay hindi tayo uubra sa kapabilidad-militar ng China. Ngayon heto ang isang Pangulo na mukhang pumupustura na para sa giyera.
Inamin ni Duterte na mas gugustuhin pa niya na mamatay kasama ang mga sundalo sakaling hindi na maiwasan ang giyera sa pagitan ng Pilipinas at China kaysa sa mamatay siya sa katandaan.
Ito ang tahasan niyang sinabi sa talumpati kamakailan sa 10th Eastern Mindanao Command Anniversary, Naval Station Apolinario, Panacan, Davao City. Sabagay, talaga namang dapat nakahanda ang bansa sakaling tuluyang bumitiw ang China sa formal talks dahil baka magpasya na itong giyerahin ang Pilipinas.
“Basta we fight. It will come, maybe sooner than later. But we have to prepare” ang tahasang pahayag ng Pangulo.
Pero sa palagay ko, bago magbitiw ng ganyang marahas na salita ay ituon muna ang isip sa mga bagay na positibo: Na ang maritime conflict ng China at Pilipinas ay malulutas sa mapayapa at mahinahong paraan.
May basehan naman tayo para maging positibo kaysa negatibo. Tama ang sinabi ni Justice Tony Carpio sa kanyang lecture sa WPL na alam din ng China na very risky at magastos ang pumasok sa digmaan at hindi ito gagawin karakaraka.
Isa pa, hindi lang ang Pilipinas ang maaapektuhan sa sandaling saklawing tuluyan ng China ang malaking bahagi ng tinatawag na Spratlies kundi halos lahat ng bansa na nagdaraan sa lugar na iyan sa kanilang paglalayag. Ibig sabihin, kung may isa o dalawang kapanalig ang China, mas maraming kakampi ang Pilipinas kaya mag-iisip-isip muna ang China nang makalibong beses bago pasukin ang digmaan. Let us pray na malutas ang usapin sa paraang mahinahon.