Hanggang ilang beses magtataksil sa partido?
NAKAKADIRI ang asal ng mga Liberal Party congressmen. Isang linggo lang matapos matalo ang kanilang presidential standard bearer Mar Roxas sa Halalan 2016, pinagtaksilan na nila ang LP. Mula sa 190 sila sa Kamara de Representantes, 110 ang biglang lumipat sa Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP) ni President-elect Rody Duterte. Mabuti pa ang mga taga-mas maliliit na Nationalist People’s Coalition at Nacionalista Party, na nakipag-alyansa sa PDP pero hindi nilisan ang kani-kanilang partido. Ang mga taga-LP ay nagpakitang mga oportunista lang sila. Nakakabit sila noon sa administrasyon ni President Noynoy Aquino, pero ngayong papaalis na ito at wala na silang mahihingi pa mula rito, nagsisitraydor agad sila. Mga walang prinsipyong linta! Ni hindi sila nagpaalam sa kani-kanilang mga botante na hinalal sila batay din sa kinasasapiang partido.
Kung naipasa sana ang panukalang batas ng political party reforms, sapol sana ang mga kasapi ng Linta Party. Bibigyan sana ng panukala ang mga lehitimong partido ng pondo mula sa gobyerno. Abuloy sana ito ng taxpayers sa kanilang kampanya tuwing tatlong taon na eleksiyon, at sa pag-recruit at pag-train ng mga kasapi. Ang kapalit ng panukala ay pagpapatalsik mula sa partido at sa Kongreso sa sinumang nagtaksil sa sariling partido. Pampatatag sana ito ng party system.
Huwag sana mangyari, pero papano kung sa sinamang palad ay hindi tumuloy si Duterte sa Panguluhan sa Hunyo 30, o hindi tumagal sa Malacañang hanggang 2022? Papano kung biglang nangailangang humalili sa Panguluhan ni VP Leni Robredo ng LP? Magsisiksikan ba ang mga taksil pabalik sa kanilang lungga? Matatanggap pa ba sila ngayong ipinakita na nila ang kasamaan ng ugali nila? Tanong nga ni P-Noy, “Saan kaya sila kumukuha ng kapal ng mukha?”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest