SA Hunyo 13 ang simula ng pasukan. Ngayon pa lamang, abala na ang mga estudyante at magulang sa paghahanap ng school supplies.
Ang aking paalala sa mga mamimili, maging maingat at mapanuri sa pagbili ng school supplies. Tingnan hindi lamang ang pinakamurang presyo, kundi mamili nang pinakaligtas na mga produkto para sa inyong mga anak.
Nauna nang nagpaalala ang ilang grupo na mag-ingat laban sa mga produktong pang-kulay gaya ng krayola at water color, bags, sapatos, kapote, lunch box, lapis, papel, at iba pang gamit na gawa sa plastic at may pintura na maaaring magtaglay ng mataas na lebel ng mga kemikal at lead na nakasasama sa kalusugan.
Ang ganitong mga gamit ay maituturing na toxic dahil sa hindi pagsunod sa ligtas na antas ayon sa mga pag-aaral at maaaring magdulot ng sakit sa mga bata lalo na sa labis at matagal na pagkalantad o paggamit dito.
May ilang pag-aaral kasi na ang ilang kemikal na ito ay nagdudulot ng mga malalang karamdaman gaya ng asthma, problema sa bato at iba pang mahalagang organs, at maging cancer. Bukod dito, may ilang produkto rin na nagtataglay ng mataas na lebel ng kemikal na nakasasama rin sa kapaligiran.
Kaya naman pinapayuhan ko at ng pamahalaan ang lahat na maging masusi sa pagbili ng school supplies, ugaliing basahin ang mga nakasulat sa pabalat ng mga produkto at maging wais sa pagpili ng mga produktong bibilhin.
Gayundin, nawa ay mas paigtingin ng pamahalaan ang pagbibigay ng wastong kaalaman sa mga mamimili ukol sa tamang pagtangkilik ng mga school supplies at higit sa lahat ang pagbabantay sa mga kompanya at pagpigil sa pagbebenta at pagpapakalat ng mga tinatawag na toxic school supplies upang wala nang bata at mag-aaral ang makabili at makagamit ng mga ito.