Susunod na buwan buwan ng Pebrero
at alam ng lahat na ang buwang ito;
ay kapanganakan ni St. Valentino
kaya magdiriwang ang maraming tao!
Mga puso nila pipitlag sa dibdib
pagkat tumitibok sa ngalang pag-ibig;
mga nanliligaw sa tibok ng dibdib
pag-ibig na tapat alay sa nilalangit
Subali’t di lahat na nagpapahayag
na mahal ang mutya ay matapat;
sinasabi nila sa bibig ay nulas
subali’t ang puso siyang umiilag!
Sa ganitong araw ang dapat ialay
pag-ibig na wagas at walang kapantay;
hindi nararapat na ngayo’y ibigay-
kunwaring pag-ibig na makasalanan!
Sa ngayo’y magulo buhay sa daigdig
kaya iba-iba hugis ng pag-ibig;
may pusong ulikba may diwang tagilid
kaya puso’t diwa laging nagtatagis!
Sa sitwasyong ito pag-ibig na wagas
ay hindi matanto kaya umiiwas;
tapat na pag-ibig hindi maihayag
kaya kabiguan ang nagiging wakas!
Sana’y maging aral sa araw na ito
buhay na sinapit ng dakilang tao;
sila ay naghandog ng pusong totoo
pag-ibig na tapat sa sumpa’t pangako!
Kung hindi magawang ang puso’y ihandog
sa magandang mutyang inyong iniirog;
Mabuti sigurong sa baya’y ihandog
dakilang pag-ibig tapat na pag-irog!