KUNG kelan paalis na siya sa Panguluhan, saka lalo nagiging manhid si Noynoy Aquino. Ipinaghihimutok ito ng taumbayan. Pero wala silang magawa kundi murahin siya sa umpukan at social media. Nagbabanta rin sila na ipatatalo ang naghaharing Liberal Party sa Halalan 2016. Siyempre unang target si admin presidential standard-bearer Mar Roxas, na personal na hinirang ni P-Noy na kahalili.
Kumbaga, ang hampas kay P-Noy ay latay kay Roxas.
Paano naman matutuwa ang mamamayan sa mga isyung ito:
- “Tanim-bala” extortion racket -- Hindi kinampihan ni P-Noy ang mga nabiktimang paalis na OFWs sa NAIA. Sa halip, iwinasiwas niya ang baluktot na statistics ni Transport Sec. Joseph Abaya na maliit na porsiyento lang sila sa daan-milyong dumadaan sa NAIA taun-taon. Kinampihan niya ang pinsang NAIA chief Jose Angel Aquino Honrado, na nabisto sa Senado na hindi alam ang kanyang trabaho.
- DOTC scams -- Flagship of corruption ang DOTC ni Abaya. Kolekta nang kolekta ito ng vehicle registration at drivers’ license fees. Pero wala naman mai-issue na plaka ng sasakyan o lisensiyang plastic. Ito’y dahil sa maanomalyang kontrata ni Abaya sa mga fly-by-night na kumpanya. Nabulok ang LRT-1, LRT-2, at MRT-3, kaya maya’t-maya ang breakdown at aksidente. Ikinontrata kasi ang bilyun-bilyong-pisong maintenance sa mga ka-LP ni president Abaya. At imbis na alisin siya ni P-Noy, pinatigasan pang pananatilihin sa DOTC hanggang sa huli.
- Kontra-mahirap -- Dalawang batas ang ibinasura ni P-Noy: ang P2,000 buwanang dagdag-pensiyon para sa SSS retirees, at Magna Carta for the Poor na magtataas sana ng kalidad ng buhay-maralita. Ipinapatay niya sa Kongreso ang panukalang pagbaba ng 32% income tax rate.
Otomatikong reaksiyon ni P-Noy gawin ang taliwas sa anumang sa palagay niya’y ipinipilit sa kanya. Ito’y character disorder: Kailangan niyang patunayang “siga” siya. Pero sa totoo, insecure siya at “sira.”