PROBLEMA ngayon ang polusyon sa hangin. Napakaraming sakit ang makukuha sa polusyon tulad ng hika, pulmonya, ubo, sakit sa puso at istrok.
Isang paraan para mabawasan ang polusyon ay ang pag-alaga ng mga halaman (house plants). May benepisyo pa ang mga halamang ito sa ating kalusugan:
1. Ang mga halaman ay nagbibigay ng oxygen at nagtatanggal ng carbon dioxide sa paligid. Kabaliktaran ito sa tao na nangangailangan ng oxygen at naglalabas ng carbon dioxide.
2. Ayon sa isang pagsusuri ng NASA, inaalis ng house plants ang toxins sa ating kapaligiran. Ito ay ang mga VOCs o volatile organic compounds na galing sa pintura, mga coating at refrigerator. Mababawasan din ang carbon monoxide mula sa kotse.
3. Makaiiwas tayo sa trangkaso at ubo. Ayon sa pag-aaral ng University of Agriculture sa Norway, ang pag-alaga ng house plants ay nakababawas sa pagod, ubo, sipon at sore throats ng 30%. Ito’y dahil sa pag-alis ng alikabok sa paligid.
4. Natural humidifier ang mga house plants. Pinapataas nito ang humidity (o tubig) sa hangin dahil hinihigop ng ugat ng halaman ang tubig at nag-e-evaporate mula sa dahon. Kapag mataas ang humidity, mas hindi tayo tatamaan ng mga impeksyon.
5. Kapag may alaga kang house plants, ika’y magiging mas masaya at mas positibo ang pananaw sa buhay.
6. Natuklasan sa pagsusuri na mas gumaganda ang trabaho ng mga empleyado sa opisina kapag may nakikitang halaman sa paligid.
7. Mas gaganda at hihimbing ang iyong tulog.
8. Ang halaman sa loob at labas ng bahay natin ang ating panlaban sa init ng panahon at global warming. Ang temperatura sa ilalim ng puno ay mas mababa ng 1 degree kumpara sa ibang lugar.
9. Para maging mas epektibo ang iyong mga house plants, piliin ang malalaking house plants na 6 to 8 inches ang lapad. Ang mga bamboo plants ay napakaganda dahil nagbibigay ito ng 10 doble na dami ng oxygen kumpara sa ibang mga halaman.
Tandaan lamang na dapat palitan ang tubig ng halaman bawat linggo. Ito’y para hindi pamugaran ng kiti-kiti na puwedeng magdulot ng dengue. Pero sa kabuuan, may benepisyo ang pag-aalaga ng halaman sa loob ng bahay. Subukan n’yo ito.