NAPABALITA na mayroon daw training camp sa Mindanao ang mga teroristang kaanib sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Dito raw sasanayin ang mga bagong recruit para magsagawa ng mga pambobomba at kung anu-ano pang malalagim na pagsalakay. Pero sabi ng Armed Forces of the Phi-lippines (AFP) walang katotohanan ang balita. Hindi raw kailanman makakapasok sa bansa ang ISIS.
Hindi dapat ipagwalambahala ang balitang may training camp ang ISIS sa bansa. Malaking orga-nisasyon ang teroristang grupo na handang gumastos para lamang magsabog ng lagim sa mundo. Para makakalap ng miyembro, nagbibigay umano nang malaking halaga ang grupo. Ginagawa ang lahat para makapag-recruit ng mga kabataang mi-yembro. Mga kabataang miyembro ng ISIS umano ang nagsagawa ng pagsalakay sa Paris, France noong Nobyembre 18 kung saan 130 ang namatay. Nagsagawa ng pambombomba at pamamaril ang mga terorista sa Paris. May mga nahuli na sa mga sumalakay at mayroon nang napatay.
Supporters din ng ISIS ang kabataang mag-asawa na napatay ng mga pulis sa San Bernardino, California noong Disyembre 5, 2015. Walang patumanggang namaril sa isang party sa San Bernardino ang mag-asawang Syed Rizwan Farook at asawang Tassfeen Malik na ikinamatay ng 14 katao at ikinasugat ng 21. Sinalakay ng mag-asawa ang isang holiday party at inispreyan ng bala mula sa automatic rifles ang mga tao na kasamahan din nila sa trabaho. Nang rumesponde ang mga pulis sa massacre site, lumaban ang dalawa at napatay.
Nakakatakot ang sunud-sunod na pagsalakay ng ISIS at hindi malayo na mangyari rin ito sa Pilipinas. Marami nang pambobombang naganap sa bansa na ang may kagagawan ay mga terorista. Halimbawa ay ang Rizal Day bombings noong Dec. 30, 2000 kung saan limang sabay-sabay na pambobomba ang naganap na ikinamatay ng may 100 katao. Nagkaroon din ng Valentine bombing noong 2003 na ikinamatay ng apat katao at ang pambobomba sa Superferry noong 2004 na ikinamatay din nang maraming pasahero.
Huwag hayaang makapasok sa bansa ang ISIS. Bantayan sila at agad durugin sakali at may pagtatangka.