EDITORYAL - Salubungin ang 2016 na buo ang daliri
AYON sa Department of Health (DOH), 17 ang nasugatan dahil sa pagpapaputok noong bisperas ng Pasko. Sa kabuuan, umaabot na sa 25 ang mga nasugatan mula noong Disyembre 21. Pinakamarami sa mga nasugatan ay bata na gumamit ng piccolo. Ayon pa sa DOH, habang papalapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon ay maaa-ring dumami pa ang mga batang mapuputukan kaya ang paalala ng DOH sa mga magulang, bantayan ng mga bata at baka madisgrasya sa paputok.
Walang patid ang paalala ng DOH sa publiko na huwag nang magpaputok at baka maputulan ng daliri, masabugan sa mukha at mabulag. Sa kasalukuyan, mayroong TV ad ang DOH na nagpapakita sa mga batang naputulan ng daliri at nalapnos ang mukha dahil sa pagpapaputok.
Ayon sa Department of Health, dalawa ang namatay at 933 ang nasugatan dahil sa paputok noong nakaraang Bagong Taon. Ang mga namatay ay isang estudyante sa Tuguegarao City, Cagayan at isang batang lalaki sa Balonbato, Quezon City. Namatay ang estudyante nang ilagay ang piccolo sa ibabaw ng sinindihang fountain. Sumabog sa kanyang mukha ang piccolo. Namatay naman ang bata sa Quezon City nang sindihan ang mga inipon niyang pulbura. Ang kasama ng bata ay naputulan naman ng braso.
Dahil sa tumataas na bilang ng mga naputukan, sinabi ng DOH na muli nilang isinusulong ang total ban sa paggamit ng paputok lalo na ang piccolo na dahilan kaya may mga batang napuputukan. Ayon sa DOH, ang piccolo na hindi pumutok ay pinupulot ng mga bata sa pag-aakalang hindi na puputok pero ang hindi nila alam, buhay pala at saka sasabog sa kamay. Bukod sa pagsabog sa kamay, may mga kaso rin na nalulunok ng bata ang piccolo. Delikado kapag nalunok ng bata ang piccolo.
Kapag hindi ipinagbawal ang piccolo, mas marami pa ang mapuputulan ng daliri sa mga susunod pang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Paalalang muli sa magulang, bantayan ang mga anak para hindi madidisgrasya sa paputok ang mga ito. Masarap salubungin ang 2016 na buo ang mga daliri at hindi lapnos ang mukha.
- Latest