Sakit sa taglamig
MAY mga sakit na lumalala kapag lumamig ang panahon. Dahil pabagu-bago ang ating panahon, minsan mainit at minsan umuulan, heto ang mga sakit na dapat nating ingatan:
1. Trangkaso (flu):
Kung taglamig, mas lumalakas ang mga virus na nagdadala ng trangkaso (flu o influenza sa Ingles). Nagmumula ang mga virus na ito sa pasyenteng may trangkaso. At kapag sila’y umubo, puwedeng malipat ang virus sa mga pangkaraniwang bagay tulad ng mesa, gamit, computer at cell phone. Puwedeng mabuhay ang mga virus na ito ng hanggang 24 oras sa mga kagamitan sa bahay. Mag-ingat at baka mahawa rito.
Tips: (1) Lumayo sa mga taong inuubo. Baka malanghap mo ang mga virus na nagmumula sa kanilang lalamunan, (2) Maghugas ng kamay palagi o mag-alcohol, (3) Linisin ang kagamitin sa bahay, (4) Umiwas sa mga lugar na may maraming tao at baka mahawa, (5) Magsuot ng jacket kapag malamig, (6) Magdala ng payong para may proteksyon ka sa init ng araw at buhos ng ulan, (7) Magpabakuna ng flu vaccine, at (8) Kapag may-trangkaso ka na, huwag manghawa ng iba. Magpahinga sa bahay at uminom nang maraming tubig.
2. Sakit sa puso:
Sa mga may sakit sa puso, kailangan tayong mag-ingat sa sobrang init at sobrang lamig ng panahon. Ang pinakamainam na temperatura ng panahon ay 25 degrees Celsius. Kapag mas malamig o mas mainit dito, medyo nahihirapan ang ating katawan. Ang malamig na panahon ay puwedeng magpalapot ng dugo at magpakipot ng ugat sa puso.
Tips: (1) Inumin ang iyong mga maintenance na gamot. Huwag itong ihihinto ng walang pahintulot ng doktor, (2) Huwag maligo nang malamig na tubig. Baka makasama ito sa iyong puso, (3) Huwag ding matulog na nakatapat sa Air-conditioner o electric fan.
3. Arthritis:
Alam ng mga may edad na kapag taglamig ay mas masakit ang kanilang kasu-kasuan. Para bang naninigas ang kanilang litid at nahihirapan silang galawin ang kanilang kamay at paa sa umaga. Osteoarthritis ang tawag sa sakit na ito at halos lahat ng tao ay magkakaroon nito.
Tips: (1) Magsuot ng guantes at medyas sa gabi para hindi malamigan ang iyong kamay at paa, (2) Magsuot ng jacket kung maginaw sa iyong pupuntahan, (3) Paggising sa umaga, mag-unat-unat muna ng kamay at paa para lumuwag ang mga litid. Pagkaraan ng 30 minutes ay mababawasan na ang paninigas ng iyong kamay at paa, (4) Kung kayo’y mataba, magbawas ng timbang para hindi mapudpod ang iyong tuhod at paa.
- Latest